SSS RETIREE PENSIONERS NA NASA PILIPINAS HINDI NA KAILANGAN MAG-ACOP

MAHIGIT sa 1.32-milyong retiradong pensiyonado ng Social Security System (SSS) ang hindi na kailangang magsagawa ng Annual Confirmation of Pensioners Program (ACOP) o ang taunang pagre-report sa SSS upang masigurong tuloy-tuloy ang kanilang buwanang pensyon.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, 58.64 porsyento ng kabuuang 2.3-milyong bilang ng pensiyonado sa katapusan ng unang siyam na buwan ng 2017 ang makikinabang sa pagtanggal ng ACOP sa mga retiree pensioners.

“Bilang pagtupad sa tungkulin na makapaghatid ng mas maayos na serbisyo sa ating mga pensyonado, malugod naming ibinabalita sa ating mga retiree pensioners na naninirahan dito sa Pilipinas na hindi na sila kailangan pang pumunta sa kahit saang SSS branch o bangko sa buwan ng kanilang kapanganakan para sa ACOP simula noong Oktubre 30 ngayong taon,” ani ni Dooc. Sa halip, magsasagawa ang SSS ng beripikasyon upang makumpirma kung ang pensyonado ay buhay pa at karapat-dapat pang tumanggap ng benepisyo mula sa SSS.

Ang ACOP ay isang programa na nag-aatas sa mga pensiyonado na taunang mag-report sa SSS upang masigurong tuloy-tuloy ang pagbibigay ng kanilang benepisyo. Ipinatupad ito noong 2012 upang maiwasan ang mga pagkakataon na nakatatanggap ng buwanang benepisyo ang mga hindi dapat makinabang dito.

Ngunit nilinaw ng SSS na tanging retiradong pensyonado lamang na nakatira sa Pilipinas ang hindi na kailangang mag-ACOP.  Batay sa SSS Circular No. 2017-012, lahat ng retiradong pensiyonado na naninirahan sa labas ng bansa, total disability pensioner, survivor pensioners, at mga dependyenteng anak pati na ang kanilang taga-pagalaga ay kinakailangan pa ring mag-ACOP.

Ipinaalala rin ng circular ang iskesyul ng pag-uulat ng mga pensiyonado gaya ng mga sumusunod: mga retiradong pensiyonado na naninirahan sa abroad at total disability pensioners na mag-comply sa buwan ng kapanganakan ng pensiyonado, ang mga survivor pensioner naman ay kinakailangang mag-comply sa buwan ng kapanganakan ng namatay na miyembro at ang dependent pensioner na menor-de-edad o incapacitated ay kinakailangang mag-comply kasama ang kaniyang tagapag-alaga sa buwan ng kapanganakan ng miyembro o namatay na miyembro.

Ayon sa circular, pinahihintulutan ang paggawa ng ACOP anim na buwan bago ang iskedyul dahil itinuturing itong maagang pagsunod ng pensiyonado. Kailangan lamang ay nagsagawa siya sa ACOP
noong nakaraang taon.

Gayundin, nilinaw ni Dooc na ang ACOP compliance para sa mga retiree pensioners na naninirahan sa Pilipinas na 85 taong gulang at pataas gayundin ang mga survivor pensioner na hindi na kayang mag-report ng personal sa kahit saang SSS branch dahil sa pagkakasakit o katandaan ay pupuntahan ng SSS employee upang personal na maberepika na buhay pa ang pensiyoner.

Magsasagawa rin ng Medical Fieldwork Service (MFS) o ang pagpunta ng mga doktor ng SSS sa mga bahay ng pensiyonadong may total disability.

Pinaaalalahanan rin ng SSS ang mga pensyonado na hindi pagsunod sa ACOP ay sanhi ng suspensyon ng kanilang pensiyon sa buwan ng kapanganakan ng pensyonado o SSS member.

“Ibabalik ang pensiyon sa loob ng dalawang buwan mula sa petsa ng pagsunod sa ACOP ng pensyonado. Ang binawing pensiyon mula sa mga bank account ng pensiyonado, kung mayroon man, at ang lahat ng naipon na pensiyon ay ibabalik sa bank account ng pensiyonado kapag nakapag-comply na siya sa ACOP,” ayon sa SSS.

Tinatayang aabot sa 2.31-milyon ang bilang ng mga pensyonado ng SSS batay sa pinakabagong datos sa pagtatapos ng Setyembre 2017. HILDA ONG

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply