Teenager patay sa pamamaril, 2 kaibigan sugatan

PATAY ang isang teenager at sugatan naman ang dalawang kaibigan nito matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa Quezon City kagabi, Disyembre 27, Miyerkules.

Hindi na umabot nang buhay sa Malvar Hospital ang biktimang si Fregie Balakid, 18, ng Old Balara, Quezon City dahil sa tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang ginagamot sa naturang ospital ang dalawa niyang kaibigan na nakilalang sina Rod Steven Alipao, 21, at Paul Roland Janaban, 19, kapwa ng Luzon Ave., Brgy. Culiat, QC.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Jomar Pallado ng Quezon City Police District, naganap ang krimen dakong 10:20 ng gabi sa Purok 1, Area 5, Villa Beatriz Subd., Old Balara, QC.

Masaya umanong nagkukwentuhan ang tatlong biktima sa harap ng isang tindahan nang dumaan ang isang lalaki sakay ng motorsiklo at niratrat ang magkakaibigan.

Isa umano sa mga testigo ang nagsabing marami nang ‘death threats’ na natanggap si Balakid nitong nakaraang linggo dahil umano sa selos na hindi naman tinukoy kung sino ang nagseselos sa kanya o kung sino ang pinagselosan.

Sinisiyasat pa ng mga awtoridad ang naturang insidente ng pamamaril. SANTI CELARIO

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply