Tokhang sa QC, malinis

IPINAGMALAKI kahapon ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na hindi madugo ang tokhang sa kanilang siyudad.

Ani Belmonte, suportado nila ang “War Against Drugs” ni President Rodrigo Duterte ngunit sa araang mas katanggap-tanggap sa nakararami.

Aniya, prayoridad ng QC ang rehabilitasyon ng mga dating adik, at pagbibigay ng pagkakataon sa kanila upang magbago.

Idinagdag pa ni Belmonte na suportado ng simbahang Katoliko at ng Kapulisan ang kanilang programang “Tokhang QC Style” dahil wala umanong namamatay sa kanilang proyekto.

Sa ngayon ay dalawang taon na ang proyekto ni Belmonte, kung saan halos 2,000 drug surrenderees na ang natulungan.

Noong Miyerkules (Dec. 20,) 697 dating adik ang nakalusot sa buwan-buwang drug testing sa loob ng anim na buwang rehabilitasyon.

Gayunman, sinabi ni Quezon City Police District Director PCSupt. Guillermo Lorenzo Eleazar na may mangilan-ngilang surrenderees na hindi pa rin nakalusot sa drug testing.

Dahil dito, muli silang sasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon at hindi umano sila tatantanan ng PNP hanggang hindi sila nalilinis sa droga.

Ikinatuwa naman ito ni Diocese of Novaliches Bishop Most Reverend Antonio Tobias, dahil lahat ng nakakalusot sa rehab ay nabibigyan ng trabaho o kaya naman ay natutulungang magkanegosyo.

Hindi umano magsasawa ang simbahang Katoliko na suportahan ang mga ganitong programa dahil marami ang nakikinabang.

Dagdag pa niya, puti ang kulay ng tokhang sa QC dahil nililinis nila nang tuluyan ang mga dating maruming nais magbago. NENET L. VILLAFANIA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply