TRAIN ratipikado na

NIRATIPIKAHAN na ng malaking Kapulungan ng Kongreso ang kontrobersyal na Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN).

Ito ay matapos maipasa ng Bicameral conference committee ang ilang probisyon na naunang hindi napagkakasunduan ng mga senador at mga kongresista.

Sinabi ni House Deputy Speaker Romero Quimbo na sinunod ng mga mambabatas ang inihaing bersyon ng Senado tungkol sa coal tax, subalit sa mas mababang rate na P50.00 kada metroko tonelada para sa unang taon, P100.00 sa ikalawang taon at P150.00 para sa ikatlong taon.

Ang pagpapataw ng buwis sa uling o coal tax ay unang tinutulan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ngunit nilinaw niyang hindi lamang siya ang dapat na masunod sa mga ganitong usapin sa Kamara.

Ini-exempt din sa TRAIN ang mga manggagawang kumikita ng P250,000 sa pagbabayad ng personal income tax habang itataas ang ceiling para sa tax exemption ng 13th month pay mula sa kasalukuyang P82,000 ay gagawin na itong P90,000.

Nasa P6 naman kada litro ang ipapataw na buwis para sa juice at energy drinks habang P12 kada litro para sa mga inuming may high fructose corn syrup.

Nakapaloob din sa TRAIN na dodoblehin ang buwis para sa pagmimina; apat na porciento naman ang ipapataw sa auto excise tax para sa mga sasakyang nagkakahalaga ng hanggang P600,000; 10 porcientong excise tax naman ang ipapataw sa sasakyang aabot sa P600,000 hanggang P1 milyon, 20 porciento sa nagkakahalaga ng P1 milyon hanggang P4 na milyon at 50 porciento para sa sasakyang nagkakahalaga ng P4 milyon pataas.

Mula January 1, 2018 hanggang June 30, nasa P32.50 naman ang ipapataw na tobacco tax, P35 mula July 1 hanggang December 31, 2019; P37.50 sa susunod na dalawang taon, P40 sa susunod na 24 buwan at apat na porciento ang itataas taun-taon.

Pagdating naman sa housing ay status quo ang buwis hanggang sa loob ng tatlong taon at ang senate version pagkatapos.

Layunin ng TRAIN na kumita ng P130 bilyon ang gobyerno na magagamit sa mga infrastucture program ng administrasyong Duterte.

Ipatutupad ito simula Enero ng susunod na taon matapos itong lagdaan ni Pangulong Duterte na siyang susunod na proseso bago ito tuwirang maging batas. MELIZA MALUNTAG

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply