15 pamilya, nasunugan sa Makati

UMABOT sa 15 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang kanilang mga tahanan sa Brgy. Pio del Pilar sa lungsod ng Makati.

Ayon kay Supt. Roderic Aguto ng Makati Bureau of Fire Protection (BFP), 14 na bahay ang tinupok ng apoy.

Unang sumiklab ang sunog bandang alas-12:00 ng hatinggabi at 2:20 na ng madaling-araw nang ideklara itong fireout.

Agad na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang mga bahay sa lugar.

Kukumpirmahin pa ng mga awtoridad kung nagsimula nga ba ang apoy mula sa naiwang niluluto sa kusina ng isang unit ng paupahang bahay.

Ayon kay Aguto, natagalan silang apulahin ang sunog dahil sa kuryenteng hindi agad nasara ng mga kawani ng Meralco dahil sa hindi sila sigurado kung alin sa sanga-sangang linya ng kuryente ang puputulin.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung magkano ang kabuuang pinsala sa naturang sunog. JOHNNY ARASGA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply