BBL, nagsimula nang umarangkada

UMARANGKADA na ang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na magbibigay ng kapayapaan at kaunlaran sa buong Mindanao matapos simulan ng Senado ang konsultasyon sa ilang lugar sa Mindanao, ayon kay Senador Sonny Angara kahapon.

Sa panayam, sinabi ni Angara na buo ang suporta ng Senate committee on local governments na kanyang pinamumunuan sa panukala na pangungunahan ni Senador Migz Zubiri bilang chairman ng sub-committee on BBL.

“Magkaroon tayo ng isang panukala na talagang kumakatawan sa aspirasyon ng Bangsamoro at mamamayan sa Mindanao  para talagang yung kapayapaan, yung prosperidad at yung progreso ay makita natin sa ating henerasyon,” ayon kay Angara.

Bukod kina Angara at Zubiri, nagtungo din sa Cotabato City at Marawi City sina Senador Bam Aquino, Riza Hontiveros, Cynthia Villar at JV Ejercito.

Sinabi ni Angara na ibinigay sa kanyang komite ang BBL ngunit itinalaga niya si Zubiri upang maisulat ang naturang batas ng mambabatas na tubong Mindanao upang hindi taga-Luzon na lamang palagi ang nagsusulat ng kanilang kasaysayan.

“I couldn’t think of no one else better to chair the hearings than someone as I mentioned earlier whose heart’s truly for Mindanao. Ako po ay tubong Luzon, from the province of Aurora but I think, the gentleman from Bukidnon was in a better position to chair the committee hearings being that every weekend he’s in Mindanao. Kaya pinalagay po natin yung sub-committee para kay Sen. Migz Zubiri,” ayon kay Angara.

Tiniyak ni Angara na buo ang suporta ng komite kay Zubiri upang tuluyan nang maisabatas ang panukala para sa mga kapatid natin na Muslim.

“Nangako kami na magtutungo dito at ipinapangako din namin ang aming suporta, ang aming layunin at lahat ng intellectual at emotional support para sa  Bangsamoro Basic Law, the BTC version,” ayon kay Angara.

Aniya, madalas ireklamo kasi ng mga kapatid natin na Muslim na hindi siya nabibigyan ng pagkakataon na isulat ang kanilang kasaysayan.

“Sinabi po ni Chairman Murad kanina na this is a very historic moment. I just like to add to that – dagdagan ko lang po kasi ang madalas nating marinig na reklamo sa mga kapatid nating taga-Mindanao, mga kapatid nating Muslim, is that, hindi sila nabibigyan ng pagkakataon para isulat o i-chart yung kanilang kasaysayan,” giit ni Angara.

“Sino po ang sumulat ng kasaysayan ng Mindanao at ng Bangsamoro mula noong mga nakaraang siglo —  in the past centuries? Sabi nila, mga dayuhan, mga conquerors, at mga lider na taga-Luzon kaya po dinesegnate natin si Sen. Migz Zubiri na taga-Mindanao at kailan po natin nakita ang pagkakataon na ang pangulo or three of the top four officials of the republic are from Mindanao?,” dagdag ng senador.

Dahil dito, tiniyak ni Angara na hindi masasayang ang panahon at pagkilos ng lahat ng sector sa pagsasabatas ng panukala dahil buo ang suporta ng administrasyon at Kongreso dito.

“Sayang po ang tsansa na to build on that. BBL na lang po talaga ang nakikita ko pong resulta dito sa lahat ng efforts na ibinuhos ng mga nakaraang administrasyon, ng mga nakaraang lider at henerasyon ng Bangsamoro people,” ani Angara. ERNIE REYES

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply