Dengue walang pinipili – DoH

WALANG pinipiling panahon ang dengue at lahat ng tao ay nanganganib na tamaan nito, nabakunahan man sila ng Dengvaxia o hindi.

Ito ang ipinaalala ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang dayalogo, kasama ang mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia, sa ginanap na Provincial Dengue Summit sa San Isidro Elementary School sa Barangay San Isidro, San Fernando, Pampanga.

“Aking mga kababayan, may Dengvaxia man o wala, ang banta ng dengue ay permanenteng bahagi ng buhay ng mga Pilipino,” ani Duque.

“Sabihin na nating matagumpay ang Dengvaxia pero dahil limitado lang ang nabigyan ng bakuna, marami sa inyong anak malamang hindi rin nabakunahan o sila ay bukas sa banta ng dengue. Pwede rin silang magkaroon ng dengue anytime,” dagdag pa niya.

Paalala pa ni Duque, kung noon ay madalas lamang umatake ang dengue kapag panahon ng tag-ulan, ngayon ay year-round na ito, at walang pinipiling panahon dahil na rin sa pagbabago ng klima at ang tanging solusyon lamang ay umiwas na makagat ng lamok.

“Kaya ko sinasabi ito, dahil ang banta ng dengue ay permanente sa tao. That is why ang solusyon dito, prevention. Health promotion at prevention,” aniya pa.

Pinayuhan din niya ang mga magulang na alamin ang mga sintomas ng dengue, na maaaring makita maging sa mga nabakunahan na ng Dengvaxia, at kaagad na kumonsulta sa doktor upang maagapan at malunasan ang sakit.

Inamin pa ni Duque na maging siya ay tinamaan na rin ng dengue noong 1995 at nagpaalala na mahalaga para sa mga pasyente ng dengue na manatiling hydrated at malusog ang katawan. MACS BORJA

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply