Digong hands-off sa kaso vs PNoy

HANDS-OFF si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III at ilang mga personalidad sa nangyaring Mamasapano massacre noong 2015.

Kaya hindi niya kailanman itinulak ang pangangailangan na bumuo ng isa pang panel para imbestigahan ang pagkamatay ng 44 na Special Action Force personnel sa bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao tatlong taon na ang nakalilipas.

Para naman kay Presidential Spokesman Harry Roque, tama lang ginawa ni Solicitor General Jose Calida na panagutin at pasampahan ng mas mabigat na kaso ang mga responsable sa SAF44 debacle.

“Solicitor General as counsel of the Government is correct. There ought to be accountability for those responsible for the SAF 44 debacle,” ani Sec. Roque.

Nauna rito, hiniritan ni Calida ang Korte Suprema na sampahan ng mas mabigat na kaso ang mga respondents sa pagkamatay ng SAF44 na namatay sa operasyon.

Ang kahilingan ni Calida ay kasabay ng ikatlong taon ng madugong bakbakan sa Maguindanao para hulihiin noon ng PNP-SAF ang international terrorist at bomb maker na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Sa 40 pahinang manifestation in leiu of comment ng SolGen, hiniling ni Calida sa SC na maglabas ng temporary restraining order (TRO) sa nakatakdang arraignment o pagbasa ng sakdal sa February 15, 2018 kina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating PNP Chief Alan Purisima at dating SAF Chief Getulio Napeñas.

Hiniling din ni Calida sa Korte Suprema na atasan ang Ombudsman na maghain ng 44 na bilang ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa mga respondents.

Binanatan din ng SolGen ang Ombudsman dahil mistulang inabswelto na nito ang mga respondents dahil sa pagsasampa lamang ng mas mahinang kaso.

Naniniwala si Calida na mas malaki ang tyansa na mapanagot ang mga respondents dito kung tumutok ang Ombudsman sa criminal negligence nina dating Pangulong Aquino.

Itinanggi ng SolGen na isa itong forum shopping at nanindigang bahagi pa rin ito ng kanilang trabaho sa pamahalaan.

Enero 25, 2015 noong mamatay ang mga miyembro ng SAF sa Maguindao dahil sa kanilang misyon na sinalubong ng mas maraming grupo na mga armado na nagsama-sama sa lugar ng Tunakalipao, Mamasapano. KRIS JOSE

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply