HINDI RAPPLER ANG KABUUAN NG MEDIA

KANSELADO na ang rehistro ng kilalang kompanya ng media na RAPPLER batay sa naging desisyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) kamakailan.

Ang dahilan… nilabag nito ang alituntunin patungkol sa pagmamay-ari ng anumang kompanya o negosyo sa bansa alinsunod na rin sa itinakda ng ating Saligang Batas.

Agad naman umalma ang maraming grupo ng media sa bansa kung saan inihahayag nila na ang nangyari sa RAPPLER ay isang uri ng paninikil sa kalayaan ng bawat Pinoy sa pamamahayag.

Pero teka muna, taumbayan! Ibang-iba ang isyu ng kalayaan sa pamamahayag kung ihahambing sa isyu naman na ipinukol sa RAPPLER nang hayaan nitong okupahan sila ng mga dayuhang mamumuhunan – BAWAL IYON!

Itinakda ito sa ating Saligang Batas upang masiguro na hindi kailanman mananaig ang mga dayuhan kontra sa mga Pinoy pagdating sa pamumuhunan sa bansa.

Maging sa pagbili ng mga ari-arian tulad ng mga lupa ay nilagyan ng alituntunin kontra sa mga dayuhan na magmay-ari sila nito ng buong-buo dahil [nga] kapag nagkaganoon aba’y ‘di malayong dayuhan na ang magmay-ari ng kabuuang Pinas.

O, ngayon… ano ang paninikil sa kalayaan sa pamamahayag doon? Malaya ang lahat ng tao na magbigay ng kanilang pahayag tulad ng RAPPLER pero dapat ligal ang kanilang operasyon ng negosyo.

Sangkaterba ang kumampi sa RAPPLER at ngayo’y nagrereklamo subalit malaya ang lahat ng tao o grupo na magreklamo pero hindi ibig sabihin na tama ang kanilang reklamo – iyan ang kalayaan sa pamamahayag.

Wala akong argumento laban sa RAPPLER subalit hindi ko kailanman gugustuhin na ang isang kompanya ng media ay gumigiit ng kanyang karapatan sa pamamahayag pero iligal naman ang kanilang operasyon o negosyo.

Pakatatandaan din natin na hindi RAPPLER ang kabuuan ng media sa ating bansa – marami sila, marami kami! Kaya maling-mali na ang nangyari sa RAPPLER ay maituturing na katapusan na ng malayang pamamahayag sa buong bansa.

Kung ligal ang operasyon ng RAPPLER, kakampi ninyo ako riyan. Pero kung iligal ang operasyon ng RAPPLER, sabihin man nila na ‘kabaro’ o ‘kasama’ sa media… kalaban ninyo ako riyan.

***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com. EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply