KAPALIT NG BAN SA OFWs SA GITNANG SILANGAN

MAAARING lalawak ang ang pagpigil ng empleyo ng mga overseas Filipino worker mula sa Kuwait hanggang sa iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan.

Magaganap ito……kung patuloy ang pang-aabuso ng mga employer sa mga OFW at hindi kumilos ang mga pamahalaang Arabo para protektahan ang mga ito.

MATAGAL NA

Nag-ugat ang problema sa masaklap na kamatayan ng ilang OFW sa bansang Kuwait.

Ni-rape, pinatay pa ng kanilang mga employer ang mga OFW.

Mayroon ding mga nagpakamatay dahil sa pang-aabuso sa kanila sa sex, malaalipin na kalagayan, pananakit at imarami pang iba.

At may binitay rin dahil napatay ng OFW ang anak ng kanyang employer dahil umano sa sobrang kahirapan sa paglilingkod sa kanyang mga employer.

Ang totoo, matagal nang nagaganap ang pagkamatay o pagpatay ng mga OFW sa iba’t ibang Arabong bansa.

Ngunit hinayaan lang ang mga sinasapit ng ating mga kababayan ng nakaraang mga administrasyon.

Marami pa ngang pinagtakpan na pang-aabuso upang mapanatili lamang ang relasyon ng Pilipinas at mga Arabong bansa.

NGAYON LANG MAY HAMON

Nabanggit na nating mas ginusto ng nakaraang mga administrasyon ang makipag-”beso-beso” sa mga Arabong bansa kaysa ipaglaban ang mga OFW para sa mga karapatan ng mga ito.

Ang dahilan: Malaking salapi o remittance ng mga OFW ang nanggagaling sa Middle East.

Naging mas mahalaga para sa kanila ang remittance kaysa buhay at dangal ng mga OFW na matagal nang niyuyurakan sa nasabing mga bansa.

May batayan naman ang mga nakaraang administrasyon sa pagsasabing mas kakaunti ang bilang ng mga naaabuso kaysa hindi.

Sa kabuuan, milyon-milyon ang OFW sa mga Arabong bansa at pinakamalaking bilang ang nasa Saudi Arabia samantalang may 600,000 naman sa Kuwait.

Subalit kung daang libo at milyon na ang nagsasabing inaabuso sila sa iba’t ibang paraan, eh, dapat na mag-isip-isip na ang mga lider ng bansa.

Lalo na ang milyong bilang ng mga kasambahay na nagsasabing hindi na lang sila nagsasalita sa kabila ng mga krimeng ginagawa sa kanila ng mga employer mula sa simpleng rape hanggang gang-rape at pang-aalipin sa mga ito.

Dito na kailangan ang katulad ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais ipaglaban nang todo ang mga buhay at karapatan ng mga OFW.

BAWAL NA

Para sa Pangulo, walang dapat masayang na buhay at dangal ng Pinoy sa Gitnang Silangan.

Nangingibang-bansa ang mga Pinoy para maghanapbuhay para sa kanilang mga sarili at pamilya ngunit hindi para maaabuso, maaalipin, mamatay, makapatay, ma-rape at iba pa.

Ito ang nakikita nating dahilan ng banta ng Pangulo na ipatigil ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait o ibang Arabong bansa.

At ang bantang iyon ay nagkatotoo sa mga bagong aplikante sa Kuwait.

Para sa Department of Labor and Employment, may pasubali rito.

‘Yun bang === dapat na dumaan mula sa masusing imbestigasyon sa mga kasong sunod-sunod na kamatayan ng mga OFW at makaraang malaman ang katotohanan at mga kaukulang aksyon, susunod na ang mga desisyon kung papayagan pa rin o hindi na ang mga bagong aplikante na bumiyahe patungong Kuwait.

TSINA, JAPAN, KOREA

Kung mapapansin ninyo, mga Bro, panay-panay o tuloy-tuloy ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa mga bansang Tsina, Japan, Korea at iba pang bansa para sa mga Pinoy na mas gustong magtrabaho sa abroad kaysa manaitli sa Pilipinas para maghanapbuhay o magtrabaho.

Kahit papaano kasi, hindi gaanong kinakikitaan ang mga OFW sa mga bansang ito ng marka ng pang-aalipin at pang-aabuso.

Sa ibang salita, mas ligtas ang mga ito sa mga bansang nabanggit at hindi naman nalalayo ang ginhawang natatamo ng mga OFW kumpara sa mga nasa Gitnang Silangan.

Habang nag-iisip ang pamahalaang Duterte ukol sa masasakit na kalagayan ng hindi mabilang sa daliri na mga OFW sa Middle East, hindi rin tumitigil ito ng paghahanap kung ano ang maganda para sa mga ito.

TRABAHO SA PINAS

Bukod sa paghahanap ng mga bansang kapalit ng mga Arabong bansa bilang hantungan ng mga OFW, mga Bro, naririyan din ang pagsisikap ng pamahalaan na lumikha ng mga trabaho sa bansa.

Naririyan at nagsimula na ang Build, Build, Build na gagastusan ng trilyon-trilyong piso sa loob ng 4-5 taon at dito umaasa ang pamahalaan ng matagalang trabaho para sa mga Pinoy.

Lilikha rin ang Build. Build, Build ng ibang mga hanapbuhay na pupwedeng lahukan ng kahit sinong Pinoy kanyang pamilya at kinabukasan.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply