Kasal na lang ang kulang!

BALIK-TELESERYE na pala si Julia Montes. Sa Kapamilya network, siyempre pa.

Magsisimula nang itanghal sa January 15 ang “Asintado” na nagtatampok kina Julia, Shaina Magdayao, at Paulo Avelino bilang pangunahing bituin. “Revenge Drama” ang klasipikasyon ng ABS-CBN sa bagong serye nilang ito.

Ipinapalabas na ng network ang trailer ng Asintado. Medyo mahaba ang trailer kung saan makikilala ng viewers ang magkapatid na Ana (Julia) at Samantha (Shaina).

At heto ang summary ng teleserye mula sa Kapamilya network: Magkakasunog sa bahay nila at mamatay ang kanilang mga magulang.
Dahil may depekto sa mukha si Samantha, na dahilan para bansagan siyang “halimaw,” isinisisi sa kanya ni Ana ang pagkamatay ng mga magulang nila. Ipinaampon si Samantha ng mga kamag-anak nila sa isang mayamang pamilya at si Ana naman ay ipinadala sa ampunan na tatakasan n’ya sa paglaon.

Flash forward, at makikilala ng viewers si Samantha na ang mukha ay naipaayos na at isa na siyang sikat na jewelry designer. Si Ana naman ay isa nang nurse. Magkikita silang muli, at ito’y dahil kay Gael (Paulo), na ex-boyfriend ni Samantha. Isang aksidente ang kasasangkutan ni Gael at kukunin ni Gael si Ana para maging private nurse n’ya.

Mag-iibigan sina Gael at Ana, at maiinggit si Samantha sa magandang kapalaran ni Ana. Tatangkain ni Samantha pero ‘di siya magtatagumpay. Si Ana naman ang magpaplanong todasin si Samantha na madidiskubreng buntis si Samantha at ang ama ng nasa sinapupunan nito ay si Gael.

* * * *

“My forever” na pala ang tawag ng napakayamang aktor na si Enrique Gil kay Liza Soberano.

Heto ang mensahe nang pagmamahal ng milyunaryong aktor sa Instagram (@enriquegil17) nung birthday ni Liza: “To the woman that I call my forever, all I want is for you to be happy in all that you do. You fill the gaps in my life with your love, simplicity and kindness, seeing you smile makes me feel completely and genuinely happy. I promise to make you smile for the rest of my life i love you happy birthday mi corazon.”

Pareho silang nasa Madrid, Spain nung ipinost ni Enrique ang mensahe. Du’n sila nag-Pasko at nag-Bagong Taon. Pero di naman silang dalawa lang. Kasama ni Enrique ang pamilya n’ya, at kasama naman ni Liza ang isa sa mga kapatid n’yang lalake.

Family holiday yon. Hindi honeymoon nina Liza at Enrique.

Ang mistulang nag-honeymoon sa Denmark at Switzerland at iba pang European countries ay sina Kim Chiu at Xian Lim. Parang honeymoon yon dahil parang silang dalawa lang ang magkasama. At parang silang dalawa lang talaga dahil sa Instagram postings nila, parang silang dalawa lang ang nagkukuhanan ng litrato sa isa’t isa. O nagse-selfie silang dalawa.

Wala rin naman silang binabanggit na mga kasama nila sa bakasyon grande na yon. O, ‘di ba parang honeymoon? Walang escort. Walang chaperon.

Hindi na mga menor de edad sina Kim at Xian. Sakaling nagsiping sila, malamang ay alam na nila ang dapat gawin para di masira ang career ni Kim sa pagdadalantao. Wala pa naman silang announcement na engaged na sila.

Ang daming magsu-sweetheart na mga batang showbiz idols na hindi na underaged ang magkasamang nag-out-of-town o nag-out-of-the-country nung Kapaskuhan. Pero karamihan ay may kasamang mga barkada, for instance, sina James Reid at Nadine Lustre, na sa Bohol nag-holiday. Sumama si Joshua Garcia sa family holiday nina Julia Barretto sa Hokkaido island sa Japan, na pinangunahan ng ina ni Julia na si Marjorie.

Sina Jessy Mendiola at Luis Manzano ay parang di nagbiyahe sa kung-saan pa man pero nakipag-nochebuena si Jessy sa pamilya Santos. Ayon kay Congresswoman Vilma Santos, pangalawang taon na raw na ka-nochebuena nila si Jessy.

Parang di rin bumiyahe sina Angel Locsin at Neil Arce, pero finally ay inamin na rin ni Angel sa New Year’s message n’ya sa Instagram para kay Neil na “Falling in love with you was the best part of my 2017…”

Siguro naman, ang mga magsing-irog nung 2017 ay mananatiling mag-sweetheart sa 2018. Nabalitaan n’yo na sigurong may pre-Valentine concert sina James at Nadine na ang titulo ay “Revolution.”

Ang pahulaan pa rin ay kung sina Bela Padilla at Zanjoe Marudo na nga ang magkarelasyon. Ang alam namin ay sa Switzerland nag-Christmas holiday si Bela dahil nagsyuting sila ru’n ni Carlo Aquino ng isang pelikula na ang titulon ay “Meet Me at St. Gallen.”

Nung umuwi ang team sa Pilipinas, nagpaiwan du’n si Bela dahil may mga kamag-anak at kaibigan siya ru’n.

Isang foreigner ang ama ni Bela. Wala siyang dugong Padilla, dahil di naman talaga siya isang Padilla. Ang nanay ni Robin Padilla na si Eva Carino ang kamag-anak n’ya.

Mukhang magiging masaya, romantiko, at masagana naman ang Pinoy Showbiz 2018. Sana ang sa inyo rin. SHOWBYTES/DANNY VIBAS

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply