KATOTOHANAN SA DENGVAXIA ALAMIN

PATULOY pa rin ang paghahanap ng katarungan at katotohanan ng mga magulang ng mga batang namatay matapos umanong maturukan ng Dengvaxia.

Dahil marami sa kanila ay hindi naman mataas ang katayuan sa buhay at hindi rin nakapag-aral, kaya umaasa lamang sila sa mga ibinibigay na impormasyon ng mga grupo at tanggapan na tumutulong sa kanila.

Kabilang sa mga agresibong tumutulong sa kanila si Atty. Persida Acosta na hepe ng Public Attorney’s Office (PAO), na mapapansing talagang gustong malaman ang katotohanan hinggil sa isyu.

Bilib tayo kay Atty. Acosta dahil sa kabila nang sobrang dami nang mga kasong hinahawakan ng kanyang tanggapan ay talagang binibigyan niya ng oras ang kaso.

Naniniwala si Atty. Acosta na talagang may kalokohan sa pagpapatupad ng dengue immunization program noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, at gusto niyang panagutin ang mga may-sala at ganun din naman ay mabigyang katarungan ang mga batang biktima.

Tandaan natin na bagama’t abogado nang mga biktima si Acosta ay sa gobyerno pa rin siya nagtatrabaho at sumusuweldo.

Kaya naman nagtataka tayo dahil tila naman iba ang ginagawa at sinasabi ni Health Sec. Francisco Duque III hinggil sa isyu ng Dengvaxia.

Kung anong init kasi ni Acosta na papanagutin ang mga may sala at ganoon din naman ang drug manufacturer na Sanofi Pasteur, tila naman iba ang gustong mangyari ni Duque.

Kamakailan kasi ay sinabi niyang dengue syndrome lang ang naging dahilan ng pagkamatay ng 14 na bata na namatay matapos maturukan ng Dengvaxia.

Ibig-sabihin ba nito ay gusto niyang palabasin na hindi naman direktang naapektuhan ng Dengvaxia ang mga bata kaya dengue syndrome lang ang nangyari at hindi ang tinatawag na severe dengue?

Sa madaling salita ay gusto ba niyang i-downplay ang nangyari sa mga biktima kaya hindi niya direktang masabi na may pananagutan ang Sanofi at iba pang responsable?

Ano naman ang magiging dahilan niya para kampihan ang mga sinasabing may sala kaysa sa mga biktima?

In fairness kay Duque sinabi niyang hihingin niya ang P1.4B refund para sa hindi pa nagagamit na vaccine mula sa Sanofi at maaari ring magsampa siya ng reklamo laban sa kumpanya.

Pero hangga’t hindi niya ginagawa ito ay patuloy pa ring magsasalimbayan ang ugong na mahigpit ang lobbying at may umiikot na malaking pera kaugnay ng kontrobersiya.

Sana naman ay hindi matabunan ng pera ang hustisya at tanging katotohanan lamang ang mangibabaw. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply