Kikitain sa TRAIN law ipangkumpuni sa MRT

HINILING ni Senador Sonny Angara sa administrasyong Duterte na gamitin sa pagkukumpuni ng Metro Rail Transit (MRT) system ang kikitain ng pamahalaan sa pagpapatupad ng Tax Reform and Inclusion Law.

Sa pahayag, sinabi ni Angara na dapat gamitin sa mga kapaki-pakinabang na programa at proyekto ang kikitain ng pamahalaan sa mga bagong buwis lalo na sa pagpapaigting ng mga serbisyong pampubliko tulad ng MRT at LRT.

“Malaking abala na sa public train commuters ang madalas na aberya sa rail transit systems dahil marami ang apektado sa kanilang pang-araw-araw na aktibidad, lalo na ang pagpasok sa paaralan at trabaho,” ayon kay Angara.

Ginawa ng senador ang panawagang ito, matapos lumabas ang mga report na sa kabuuan ng 2017, 500 ulit na nasira ang MRT 3, dahilan upang libu-libong pasahero ang puwersahang bumaba kahit sa mga alanganing lugar.

Kada araw, tinatayang 463,000 katao ang bumibiyahe sa pamamagitan ng MRT.

Kung 70% ng kikitain sa mga bagong tax revenues base na rin sa isinasaad ng Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay ilalaan sa Build, Build, Build Program, ayon kay Angara, dapat kasama sa mga imprastrakturang ‘yan ang ating rail systems. Aniya, napakarami nating problema sa public transport na dapat bigyan ng kaukulang pansin at dapat resolbahin.

Kabilang sa mga suliraning ito ang pagkukumpuni sa spare parts ng MRT na ayon sa Department of Transportation (DOTr) ay siyang pangunahing dahilan ng madalas na aberya.

Samantala, bahagi pa rin ng 70% ng government revenues ang ilalagak sa pagsasaayos ng military infrastructure, sports facilities sa mga pampublikong paaralan at malinis na inuming tubig sa mga pampublikong lugar.

Ilalaan naman sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan, edukasyon, social protection, employment at mga proyektong pabahay ang natitirang 30 porsyento ng kikitain ng gobyerno mula sa TRAIN. Ito ay para tiyak na masagot ng pamahalaan ang patuloy na kahirapan ng nakararaming Pilipino. ERNIE REYES

 

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply