KORAPSYON UNLI SA SSS

HINDI na maganda ang nangyayaring ito sa Social Security System na ginagawang gatasan pala ng ilang opisyal ng ahensya na ubod nang takaw sa pera.

Ang SSS ay itinatag para sa interes, kagalingan at seguridad sa buhay ng mga Filipino na nagretiro makaraang magtrabaho sa mga pribadong kompanya.

Nitong nakalipas na taon, naisapubliko ang SSS stocks scam ng ilang opisyal ng ahensya.

Gamit ang stocks ng ahensya, bumili ng stocks ang dalawang opisyal at ibinenta ang mga ito kung saan kumita sila, pero ang kita ay hindi ipinasok sa SSS upang madagdagan sana ang kita ng nasabing ahensya.

Sa halip na tumbuking krimen ang ginawa ng dalawa, dalawa pang opisyal ang “tila” nakipagkutsabahan sa dalawang tulisan sa SSS. Ngayon namang Enero, nabunyag na naman ang panibagong kalokohan sa SSS.

Tungkol naman ito sa P145-milyong halaga ng 253 kontrata sa iba’t ibang kompanya sa media.

Ayon kay SSS Commissioner Pompee La Viña, hindi dumaan sa tama at ligal na proseso ang 253 kontratang ibinigay sa media.

Kaya, kinasuhan ni La Viña ang 21 kapwa opisyal sa SSS sa pangunguna nina Senior Vice Presidents May Catherine Ciriaco at Josefina Fomilos, Vice President Eleonor Cinco at Executive Vice President Rizaldy Capulong ng kasong serious dishonesty, gross neglect, grave misconduct at paglabag sa procurement law.

Kasama rin sina Jean Lagrada, Helen Abolencia, Johnsy Mangundayao, Guillermo Urbano Jr., Antonette Fernandez, Renato Jacinto Cuisia, Geronimo Valesa, Joselito Vivit, Ma. Luisa Sebastian, Sonia Guinto, Normita Doctor, Belinda Ella, Haydee Raquici, Boobie Angela Ocay, Jocelyn Evangelista, Froilan Misa, at Nancy Santos.

Bakit ganito ang nangyayari sa SSS ngayong sina Atty. Amado Valdez at Atty. Emmanuel Dooc na ang namumuno rito?

Hindi ba kayo nagtataka, Atty. Jose Sonny Matula (pangulo ng Federation of Free Workers), Wilson Fortaleza (tagapagsalita ng Partido Manggagawa) at Leody de Guzman (pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino)?

CALOOCAN 22% ANG INANGAT SA KITA

TALAGANG kahanga-hanga si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, sapagkat bukod sa napakaraming proyekto sa lungsod, napa-angat pa nito ang kita ng Pamahalaang Lungsod sa halos P3.2-bilyon nitong Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon mula sa P2.6-bilyon ng kaparehong haba ng buwan noong 2016.

Higit ding Malaki ang P3.2-bilyon mula sa parehong panahon noong 2015 na kumita lamang ng P2.4-bilyon.

Ang halos P3.2-bilyong kita ay katumbas sa 22 porsyentong pag-angat sa kita ng Pamahalaang Lungsod mula sa nakalipas na taon.

Nakatitiyak ako na resulta ito ng mahusay at epektibong pangungolekta ng buwis dulot ng epektibong pamumuno ni Malapitan.

Kaya, masasabi nating nasa tamang landas ang Caloocan sa pamumuno ni Malapitan.

===
Problema at hinaing n’yo, itawag, o i-ext sa: 09985650271. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply