KWALIPIKASYON, DINASTIYA AT HALALAN

SA pagdaan ng mga taon ay kung anu-anong pagbabago ang pilit na ipinapasok ng mga pulitiko sa ating mga batas at Konstitusyon.

Pero ang pinakapayak at pinakamahalaga marahil na punto sa mga nagnanais tumakbo para maging opisyal ng gobyerno tungkol sa kanilang kuwalipikasyon ay hindi napapansin ng marami.

Mabuti naman at binigyan ng pansin ni dating Senate President Aquilino Pimentel, Jr., miyembro ng consultative committee on charter change, na dapat itaas ang kuwalipikasyon ng mga gustong kumandidato.

Kung tatakbo ka nga naman para sa barangay, Kongreso, Senado o sa pinakamataas na puwesto sa bansa ay kapuna-punang pare-pareho lang ang hinihinging kuwalipikasyon na dapat ay marunong magbasa at sumulat.

Dapat nga naman ay dagdagan at taasan ang kuwalipikasyon sa mga tao na nagnanais tumakbo sa public office dahil ang pagiging public official ay hindi biru-birong usapan.

* * *

Tinukoy rin ng dating senador na kulang ang kababaihan sa consultative body na itinalaga ni President Duterte na binubuo ng 19 na miyembro dahil isa lang ang babae rito.

Bukod dito ay dapat daw madagdagan ang representasyon ng indigenous peoples (IPs) para magkaroon ng balanse.

Binuhay rin ni Pimentel ang dati na niyang panawagan na maglagay ng mga probisyon na magbabawal sa political dynasties at private armies kapag nagbago ang sistema ng tungo sa pederalismo.

Kahit kasi ipinagbabawal sa Konstitusyon ang political dynasties, hanggang ngayon ay namamayagpag ito dahil hindi naman natin maaasahang ipatutupad ng mga opisyal ng gobyerno na magkakaanak at magkakapamilya ang naturang pagbabawal.

Mayroon din mga opisyal ng gobyerno sa mga lalawigan na hanggang ngayon ay mahigpit na binabantayan ng private armies. Dahil dito ay nagagawa tuloy nilang maghari-harian sa mga lugar na kanilang hinahawakan.

* * *

Tahasan din sinabi ng dating pangulo ng Senado na hindi dapat suspendihin ang magiging halalan upang mabigyan lamang ng daan ang pagbabago ng gobyerno tungo sa pederalismo.

Tama si Pimentel na hindi raw dapat isantabi ang karapatan ng mga tao na ihalal ang mga pulitiko na nais nilang manalo at maupong pinuno ng bansa.

Nauna rito ay may mga pumutok na balita kasi na may mga nagbabalak maglagay ng transitory provision na magtatagal ng 10 taon upang maging plantsado ang paglilipat sa pederalismo.

Pero alalahanin na kung suspendido ang halalan ay mananatili rin sa puwesto ang mga opisyal na abusado at isinusuka na ng mga mamamayan.

At kahit sawang sawa na sila sa patuloy na pang-aabuso ng mga ito ay hindi sila makagagawa ng anumang kilos para patalsikin sila.
Hindi ito nararapat.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply