MAG-INGAT SA TRASLACION

MULING magsasama-sama sa araw na ito ang mga kababayan nating deboto upang maipakita ang hindi matitibag na pananampalataya sa pagsama sa prusisyon ng Itim na Nazareno.

Sa tuwing sasapit ang petsa ng Enero 9 taon-taon ay milyon-milyong deboto ang naniniwalang sila ay mapagmimilagruhan at matutupad ang mga panalangin ‘pag nakibahagi sila sa prusisyon ng Nazareno na ilang daang taon nang isinasagawa. Sa katunayan, sinasabing 12 milyong deboto ang nakipagsiksikan nang sumali sa prusisyon noong isang taon.

Kahit walang sapin sa mga paa at nakababad sa init ng araw ay hindi nila alintana habang mabagal na umaandar ang karosa sa makikipot na kalsada sa prusisyon na kadalasan ay inaabot ng mahigit 20 oras sa hangaring makalapit at mahawakan ang sagradong imahe.

Ang prusisyon ay tinatawag din na “traslacion” na sa Kastila ay pag­lilipat ng isang bagay mula sa isang lugar papunta sa iba.

May mga kritiko na pumupuna na ang ipinakikitang paniniwala ng mga deboto sa Nazareno ay paglabag sa kautusan ng Panginoon dahil isang uri ito ng pagsamba sa idolo.

Pero alalahanin na ang bawat isa sa atin ay may karapatan sa relihiyon na ating pinaniniwalaan at pagsasagawa ng mga bagay-bagay kaugnay ng pananampalatayang ito.

Kung ang pamamaraan ng ating mga kababayang deboto sa Nazareno ay ang sumama sa prusisyon sa paniniwalang ito ang magiging daan upang lalo silang mapalapit sa Panginoon ay hindi natin ito dapat tutulan o pigilan. Ang pagpapakita ng taos-pusong pananampalataya nang hindi nakapananakit ng ating kapwa ay dapat nating irespeto.

Pero nagpapaalala ang Firing Line sa mga makikibahaging deboto na mag-ingat nang husto. Iwasan ang magkatulakan. Walang masama sa pagpapakita ng pananampalataya pero alalahanin din natin ang kapakanan ng ating kapwa at tiyakin na hindi sila masasaktan.

Iwasang matumba dahil mahirap nang makatayo at malalagay sa panganib ang inyong buhay kapag natapakan kayo ng ng libo-libong mga paa. Tiyakin din na hindi magugulungan ng karosa ang inyong mga paa.

Kung may sakit kayo sa puso o mataas ang dugo ay makabubuting umiwas na lang sa pagsama sa prusisyon dahil baka ito pa ang maging mitsa ng inyong buhay.

Huwag ninyo ring isama ang mga batang anak o apo dahil baka mawala lang sila sa malaking bilang ng mga magkakahalubilong mga deboto.

Iwasan din magdala ng malaking pera o mga alahas dahil may mga masasamang-loob na nagpapanggap lang na deboto upang makatiyempo ng madudukutan nila.

Bagaman 5,000 pulis ang ipakakalat sa prusisyon ay mabuti nang nag-iingat nang husto ang mga kababayan nating deboto.

***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply