Milyong pabuya inialok ng kongresista vs terorista sa Abra

ISANG milyong pisong pabuya ang inialok ni Abra Representative Joseph Sto. Niño “JB” Bernos sa sinumang makapagtuturo sa indibidwal o mga personalidad na nasa likod ng naganap na pagbobomba sa La Paz, Abra.

Si Rep. Bernos, kasama ang asawang si La Paz Mayor Menchie Bernos, ay kabilang sa mga nasugatan sa naganap na pagbobomba nitong Huwebes (Enero 25) kasabay nang piyesta sa kanilang lugar.

Matatandaang dalawang pulis ang namatay sa insidente na nakilalang sina PO3 Carlos Bocaig na miyembro ng PNP-Special Action Forces at survivor ng Mamasapano tragedy at si PO2 Frenzel Kitoyan.

Sinabi ni Bernos na nais niyang mahuli ng buhay ang suspek o mga suspek upang mabatid ang motibo at kung sino ang nasa likod nang pagtatangka sa kanilang buhay.

Kasabay nito ay nanawagan ang mambabatas sa mga taga-Abra at sa publiko na tumulong para matukoy at madakip ang suspek sa krimen.

Aniya, isang kaduwagan ang ginawang pagpapasabog na nagresulta sa pagkasugat ng marami.

Hinala pa nito na nais sirain ng salarin ang pag-unlad at ang matagal nang kapayapaan sa Abra.  MELOI MALUNTAG

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply