Mocha dinepensahan ng mga kongresista

IPINAGTANGGOL ngayon ng Minority bloc sa Kamara si Presidential Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson kaugnay sa mga pagbatikos matapos itong bigyan ng pagkilala ng University of Santo Tomas Alumni Association Inc. (USTAAI).

Magugunitang inulan ng batikos hindi lamang si Uson kundi maging ang asosasyon matapos bigyan ng parangal si Uson ng Thomasian Alumni Award for Government Service.

Sinabi ni ACT-OFW Partylist Rep. Aniceto John Bertiz na hindi makatwiran na ang isang dating OFW ay hindi bigyan ng pagkakataong makabawi o makapagbagong buhay.

Kinuwento ni Bertiz na nagkita sila ni Uson sa Qatar kung saan pareho silang OFW nang ito ay nasa isang banda pa.

Ganito rin ang pagtatanggol nina House Senior Minority Leader Lito Atienza ng Buhay partylist at ABS partylist Rep. Eugene de Vera na parehong alumna ng UST.

Ani Atienza, nirerespeto niya ang desisyon ng USTAAI na bigyan ng award si Uson.

Nauna rito ay nagsauli rin ng award si Akbayan Rep. Tom Villarin bilang pagtutol sa ibinigay na pagkilala kay Uson.

Upang matigil na ang hidwaan ay ipinasauli na rin ni Uson sa kaniyang kapatid sa USTAAAI ang ibinigay na gawad ng pagkilala sa kaniya.

Hindi rin nakatagal ang president ng USTAAI na si Henry Tenedero at nagbitiw dahil sa mga batikos na inabot nito ngunit nanindigan siyang deserve ni Uson ang award at hindi ito babawiin ng grupo. MELIZA MALUNTAG

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply