Nahihilig sa paggawa ng indie movies!

PARANG taun-taon ay nagiging mas prestigious ang stature ng Baby Go Productions International sa sining ng pelikula sa bansa.

Sa ngayon, parang justified na sabihing kabilang na ang nasabing kumpanya sa mga nangungunang indie film companies sa bansa.

Hindi alangang sabihing kagrupo ito ng TBA at ng Quantum Films.

Nung 2013 lang nagsimula ang Baby Go Productions, sa pamamagitan ng “Lihis” na idinirek ni Joel Lamangan.

Parang yon ang unang-unang pelikulang Pilipino na tumalakay sa pag-iibigan ng dalawang lalake na kasapi sa New People’s Army.

Alam n’yo bang kaya lang pala naengganyo nang husto si Ms. Go na iprodyus ang Lihis ay dahil kinukuha ni Direk Joel na gumanap ang apo n’ya bilang anak ni Lovi Poe sa pelikula?

Hindi n’ya alam noon na may punla pala sa pagkatao n’ya ng isang alagad ng sining ng pelikulang may social conscience, may pagmamalasakit sa mamamayan–sa mga Filipino.

Tuwing may irirekumenda na proyekong di-komersyal ang film executive n’yang si Dennis Evangelista, parang walang kaabug-abug n’ya itong inapruban at pinopondohan bilang independent film.

At nangyayari namang nagwawagi sa international film festivals ang mga proyektong yon.

At ngayong 2018 na papasok na sa ika-5 taon nito ang Baby Go Productions, kabilang uli si Direk Joel sa magbibigay prestige sa kumpanya.

Gagawin ng premyadong direktor ang Angela Lumunsad na tungkol sa isang mahiwagang babae na mapagkakamalang ang guro na hinihintay ng barangay chairman at parish priest ng lugar na kinasadlakan n’ya isang araw na sumakay siya ng bus na biyaheng probinsya dahil may tinatakasan siya sa syudad.

Nagpanggap siya na siya ang guro na hinihintay ng barangay chairman at parish priest.

Mapag-aalaman n’yang kaya wala nang nagkaklase sa lumang schoolhouse na yon ay dahil sa lugar na iyon pala madalas mag-engkuwentro ang mga militar at ang mga NPA.

Takot ang mga magulang sa mga putukan lalo pa’t posibleng matamaan ng mga ligaw na bala kaya pinatigil nila ang mga bata sa pag-aaral. Siya si Angela Lumunsad.

Pinayuhan siya ng barangay chairman na magbahay-bahay para kumbinsehin ang mga magulang na payagan na uli ang mga anak nila na mag-aral. Nung mga unang buwan, apat na bata lang ang nagsimulang pumasok. Apat na iba-iba ang grado, pero naturuan pa rin sila ni Angela nang maayos.

Napag-uusapan ang husay n’yang magturo, kaya’t unti-unti ring dumami ang mga mag-aaral n’ya hanggang sa may isang nakatapos na ng elementary.

Maraming magagandang mangyayari sa barangay na yon dahil kay Angela.

Mayro’n ding hahamon sa katiwasayan mismo ni Angela. Dalawang lalakeng iibig sa kanya. Dalawang lalakeng magkatunggali ang idelohiya.

Darating ang panahong madidiskubreng hindi pala siya ang gurong ipinadala ng pamahalaan.

Pinapalis siya ng awtoridad. Ipagtatanggol siya ng mamayan. Kailangang pumili siya. Saan siya papanig?

Pumayag na si Heart Evangelista na gumanap na Angela. Kakausapin ni Direk Joel sina Jason Abalos at Matt Evans para gumanap sa dalawang mangingibig ni Angela.

Sa karanasan daw n’ya ay wala pang artistang tumanggi sa kanya maliban du’n sa ang iskedyul ay saliwa sa iskedyul ng produksyon.

Halos panay indie films na pala at teatro ang pinagkakaabalahan ni Direk Joel ngayon. Wala siyang mga teleserye na nakauubos ng oras at lakas.

“Sa indie films kasi, pwedeng ako mismo ang pagsimulan ng konsepto ng proyekto. At mapalad ako na hindi nakikialam sa trabaho ko ang indie film producers ko,” pagtatapat ni Direk Joel nung press conference ng Baby Go Productions sa Marco Polo Hotel nung Lunes lang ng gabi.

Marami pang ibang pelikulang nakatakdang gawin ang Baby Go Productions ngayong 2018 at kabilang sa mga magdidirek nito ay sina Mel Chionglo, Ralston Jover, at Louie Ignacio.

Sa susunod na mga kolum na lang namin ikukwento sa inyo ang mga ito. SHOWBYTES
/DANNY VIBAS

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply