NIYANIG SILANG MGA TERORISTA

HANGGANG tinitipa natin ang pitak na ito, mga Bro, ay wala ni anomang palatandaan ng terorista na nakialam sa Traslacion ni Jesus Poong Itim na Nazareno sa taong ito, 2018.

Walang nambomba, walang nangmasaker gamit ang baril, walang nanaksak at walang kumuha ng trak para ipang-araro sa mga deboto o ibang lugar ng Metro Manila at maging sa Cagayan de Oro City na nagdaos din ng Traslacion.

Sana naman, hanggang sa huling segundo, hanggang nakauwi na ang lahat ng mga nakilahok sa Traslacion ay walang naganap.

TODO-BANTA

Sa nakaraang mga panahon, nagkaroon ng mga bantang seryoso sa Traslacion.

Kaya naman, naririyan ang mga programang panseguridad gaya ng pagpatay ng linya ng mga cellphone.

Ginagamit kasi ang cellphone na pampasabog sa bomba na itinatanim kung saan-saan.

Nakakonekta ang signal ng cellphone sa mitsa ng bomba para ito sumabog.

Sa sandaling mag-ring ang cellphone, doon na magsimulang gumana ang mitsa hanggang sa sumabog ang bomba.

Karanasan din sa ibang bansa ang mga suicide bomber o gunman na umaatake sa iba’t ibang lugar sa iisang oras gaya nang naganap sa Paris massacre sa Bataclan Theatre.

Bukod sa teatro na may konsyerto, may namaril din sa iba’t ibang lugar na malapit sa teatro at namtay roon ang mahigit 130 katao.

HINDI BIRO-BIRO

Hindi biro-biro ang banta ng terorismo, lalo na ang Islamic State of Iraq and Syria.

Sa Pinas, nagsanib ang mga teroristang Abu Sayyaf Group at Maute Group para palaganapin ang idolohiyang ISIS.

Bago pa nabuo ang Maute Group, nananalasa na ang ASG.

Naging responsable ito sa mga kidnapping for ransom at pagpugot ng mga hindi nakababayad ng ransom.

Naging nakatatakot din ang kontra-Kristiyanong posisyon ng mga ito at minamarkahan ito ng mga pag-KFR na maypamumugot ng ulo.

Humantong ang lahat sa pagpatay at pagpugot sa mga Kristiyano ang Muslim na hindi sumasang-ayon sa kanila.

At tumindi ang lahat nang sakupin na ng ASG at Maute Group ang Lungsod ng Marawi para gawing sentro ng ISIS sa buong Asya.

Sinabayan ito ng mga aktibidad na terorismo sa ibang bahagi ng Mindanao hanggang sa may mga nahuhuling mga tauhan nila sa Metro Manila.

Kaya naman, hanggang kahapon, kahit nadurog na sila sa Marawi City, hinigpitan pa rin nang husto ng mga awtoridad ang pababantay sa kanila sa Traslacion.

NAYANIG SA MARAWI

Kung hindi itinodo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang giyera sa Marawi City na ikinabagsak ng sentro ng terorismong ISIS, tiyak na nagpapatuloy ang matinding banta ng terorismo.

Nayanig ang terorismo sa buong Pinas, lalo na nang unti-unting mabuwag ang kanilang mga grupo sa iba’t ibang lugar, maging sa Metro Manila.

Totoo na hindi pa ganap na nabubuwag at pilit na bumabangon ang ISIS sa Pinas.

Pero matagal siguro bago nila mabawi ang kanilang kredibilada na, sa totoo lang, ay mabilis nang nawawasak dahil nawasak na rin ang kanilang sentro o caliphate o gobyeno sa Iraq at Syria.

Kung paano mabubuo at magiging matatag ang mga galing sa Iraq at Syria na mga Pinoy, kasama ang mga kumikilos ngayon sa parte ng Mindanao, wala pang nakaaalam.

Pero ang Martial law sa Mindanao ay nagiging epektibo na pamigil at pandurog sa ISIS.

Kaya naririyan ang pasasalamat natin sa matatag na paninindigan ni Pang. Digong laban sa ISIS na tunay namang mapaminsala sa ating lipunan.

TULONG NG MAMAMAYAN

Siyempre pa, naging mapagpasya rin ang tulong ng mga mamamayan laban sa terorismong ISIS.

Naging aktibo ang mga mamamayan sa pagsusumbong kung saan sila matatagpuan.

Kaya naging mabilis ang pagtukoy kung saan sila.

At nagkaroon ng mga pagdakip at pambibilanggo sa kanila, kasunod ng pagsasampa ng kaso sa kanila.

Kung walang sumbong ang mga mamamayan, mahihirapan ang mga awtoridad sa pagtukoy kung sino-sino sila at kung saan sila nagtatago at matatagpuan.

Kaya, dapat nating pasalamatan ang mga kumikilos laban sa mga terorista.

Kahit mga Muslim sila ay hindi sumasang-ayon sa mga Muslim na terorista.

Dapat ding pasalamatan ang mga nagbubuwis ng buhay para lang tayo lumaya sa terorismong ISIS.

Mga pulis, militar, sibilyan at dayuhan na ring nakatutulong sa laban sa terorismo.

Malaking bagay ang pagdurog ng mga dayuhang pwersa sa ISIS sa Gitnang Silangan at gantio ang pagkakadurog nila sa Marawi City.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

 

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply