PAGLILINIS SA KAPULISAN DAPAT PURSIGIHIN

ANG Philippine National Police ang isang napakalantad na mukha ng pamahalaan.

Lalo na sa Metro Manila, nakikita ang mga pulis kahit saan.
Maging sa mga malalaking siyudad sa iba’t ibang bahagi ng mahal kong Pinas.

Kaya naman, masasabi na kung ano ang ipinamamalas na katauhan ng mga pulis sa taumbayan, siya na rin ang ang katauhan ng pamahalaan.

‘Yun bang === kung korap ang mga pulis, korap din ang pamahalaan.

HINDI PUMAPAYAG

Hindi pumapayag mismo si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte na magmukhang korap sa iba’t ibang anyo ang mga pulis.

Kaya nagpursigi itong itaas ang antas ng kalagayan at pamumuhay ng mga ito sa pamamagitan ng pagtataas ng sahod ng mga ito at pagkakaroon ng iba pang mga pribilehiyo.

Ngayon nga ay nagsimula nang tumanggap ang mga pulis ng pinakababang sahod na nasa P30,000 kada buwan.

Sinasabi ngayon ni Pangulong Digong na wala nang dahilan upang gumawa pa ng korapsyon ang mga pulis.

At nangangahulugan ito ng matinding aksyon laban sa mga pulis na gumawa ng korapsyon at iba pang nakamamantsa sa uniporme ng mga ito at nakasisira sa imahe ng buong pamahalaan.

SAHOD AT MGA BENEPISYO

Heto ang pasahod sa mga pulis, mga Bro.

Para sa Police Officer 1 hanggang PO3 = P29,668-P32,114; Senior Police Officer 1-SPO4 = P33,411-P38,366; Inspector-Chief Inspector = P49,528-P62,555; Superintendent-Chief Supt. = P71,313-P91,058; at Director-Dir. General = P102,896-P149,785.

Bukod sa mga sahod na ito, mayroon pang longevity pay, flying pay, sea duty pay at instructor’s pay at 13th month pay.

Meron pa ngang iba pang benepisyo ang mga pulis gaya ng pagiging libre ng kanilang mga anak sa pag-aaral sa lahat ng pampublikong eskwela mula elementarya hanggang high school at kolehiyo at libreng ospital sa kanilang pagkakasakit, lalo na kung nagkasakit o nasugatan sila sa mga police operation.

May iba pang mga benepisyo ang mga ito gaya ng pagkakaroon ng sasakyan ang mga ito na pupwede nilang maiuwi gaya ng mga motorsiklo na may libreng gasolina lalo’t masasabing 24 oras-7 araw ang duty ng mga ito.

Kapag nadisgrasaya sila, umaabot sa milyong piso ang naibibigay sa kanilang mga pamilya, lalo na ang mga matatagal na sa serbisyo.

6 KOTONG COPS

Wala na ngang dahilan upang maging korap ang mga pulis.

Kaya nga, agad na dinakip ang mga kotong cop na nakadestino sa Caranglan, Nueva Ecija nitong nagdaang mga araw lamang.

Naglalagay ang mga ito ng checkpoint bilang pamigil sa kriminal gaya ng mga riding-in-tandem na magnanakaw o killer.

Pero iniisa-isa nila lahat ang mga sasakyan na magbigay ng salapi para walang problema ang mga ito sa pagbiyahe.

Ngayon ay nasa Camp Crame na ang mga ito, ikinulong at sinampahan ng kaso.

Sila sina SPO1 Antonito Otic, PO3 Danilo Sotelo, PO3 Ronald Buncad, PO3 Oliver Antonio, PO2 Rodrigo Edralin, at PO2 Romeo Nuñez III.

Kasama ng mga pulis na ito ang mga sibilyang kolektor nila na sina Ramon Cabilangan at Darwin Lagisma.

Mga kasong kriminal at administratibo ang isinampa sa mga ito, kasabay ng pagdisarma sa kanila.

SI HEPE

Nakapanghihinayang din itong hepe ng pulisya ng bayan ng Sasmuan, Pampanga.

Mismong sa kanyang opisina sa kanyang istasyon inaresto si Chief Insp. Romeo Bulanadi.

Anak ng tokwa, nanghihingi umano si Bulanadi ng P30,000 sa isang peryahan upang hindi makumpiska ang mga gamit ng mga peryante at hindi rin matigil ang operasyon ng mga ito.

Nahuli si Bulanadi na tumatanggap ng P30,000 at sinayang nito ang kanyang magandang kasalukuyang posisyon at kinabukasan na rin.

CONGRATS SA CITF

Itong Philippine National Police-Courter Intelligence Task Force na pinamumunuan ni Senior Supt. Jose Chiquito Malayo ang nagsasagawa ng mga aksyon laban sa mga korap na pulis.

Bagaman Chiquito ang bansag kay Heneral, este, Kernel, hindi Malayo kundi dikit na dikit sa kanyang trabaho si Kernel Malayo.

Ang totoo, hindi lang ang mga pulis na sina Bulanadi at Otic ang dinale na nang malapitan nina Malayo.

Kabilang dito ang mga kotong cop na sina PO2 Harley Garcera, PO2 Clarence Maynes, PO1 Tim Santos, and PO1 Jeffrey Caniete, ng Makati police.

Kasamang nasibak sa puwesto ang Makati chief of police na si S/Supt. Dionisio Bartolome at si C/Insp. Oscar Pagulayan, intelligence chief na bosing nina Garcera.

Nangotong sila ng P400,000 sa isang negosyante na may-ari ng isang bikeshop.

Congrats sa inyo, Gen., este, S/Supt. Malayo at, siyempre pa, kay Gen. Bato.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@ yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply