PANATAG SHOAL DAPAT PAGYAMANIN

SINUSUBAYBAYAN natin ang mga nagaganap sa ating mga kababayan diyan sa Scarborough o Panatag Shoal.

Dati-rati, puro away ang inaabot ng ating mga mangingisda na nanggagaling sa Pangasinan, La Union at Zambales, lalo nang maggirian ang pamahalaang Aquino at ang pamahalaang People’s Republic of China.

Naggirian ang dalawa makaraang paghuhulihin ng mga awtoridad ng Pinas ang ilang mangingisdang Tsino sa nasabing lugar at nang magkaroon ng kaso sa pagitan ng dalawang bansa sa international tribunal kung kaninong sakop ba talaga ang lugar.

Nanalo ang Pinas subalit hindi kinilala ng Tsina ang desisyon at naging tuloy-tuloy ang pagbabawal sa mga Pinoy na mangisda sa nasabing lugar.

OKS NA

Ngayon ay nabalitang okey na ulit ang pangingisda ng mga Pinoy sa nasabing lugar.

May mga pagkakataon pa nga umanong mismong ang Chinese Coast Guard ang nagsasabi kung saan mangisda ang mga Pinoy at tama naman dahil marami silang nahuhuli at naiuuwi para sa kanilang mga pamilya at bilang kabuhayan na rin.

Wala na ‘yung dating binobomba sila ng tubig o pagtataboy sa kanila kapag lumapit.

Sana, tuloy-tuloy na maganap ang magandang samahan ng mga Tsino at Pinoy.

AKSYON NI DIGONG

Kung anoman ngayon ang ginhawa at kalayaang mabuhay at mangisda ang mga Pinoy sa lugar, tuwiran nating sasabihin na bunga ito ng pakikipagkaibigan muli ng Pilipinas sa Tsina.

Pinasimulan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at malugod namang tinanggap ni Chinese President Li Jin Ping.

Maganda ang piniling daan ng Pangulo sa pakikipagrelasyon sa Tsina.

Buong pagpapakumbaba na inihahayag ng Pangulo na hindi natin kayang labanan ang Tsina sa giyera.

Kaya naman, ang pakikipagkaibigan na may tiyak na bunga ang nararapat na gawin.

Ang kooperasyon at pakikipagkaibigan ang pinakamagandang aksyon at maaaring hindi lang pangingisda ang patutunguhan nito.

PAGKALKAL NG YAMAN

Hindi masama ang pangarap ng Pangulo na isang araw ay makasama ng Pinas ang Tsina na kakalkal sa kalaliman ng karagatan sa nasabing lugar upang kunin ang mga nakikitang likas na yaman at pakinabangan.

Nakikitang may deposito ng natural gas at langis sa nasabing lugar at paligid nito at kung mag-partner ang Pinas at Tsina rito at magkaroon ng magandang hatian, para na rin ito sa kapakanan ng sambayanan.

Kailangan natin ang langis at natural gas para sa ating mga industriya sa transportasyon, kuryente o enerhiya at iba pa.

Kung mailalabas nga ang mga mineral o likas na yaman, kikita rin tayo sa pagbebenta sa mga ito.

Makatutulong ang anomang mapagbebentahan sa paglago ng salaping bayan na pupwedeng gamitin sa kahit anong proyektong kapaki-pakinabang sa mamamayan.

KONTROLADO NG GOBYERNO

Kung anoman ang mga proyektong itatayo sa paglalabas ng mga likas na yaman, dapat pangunahing interes ng pamahalaang Filipino ang itaguyod.

‘Yan ang sa parte ng Pilipinas.

Hindi dapat na pairalin ang mga pribadong interes na manguna na katulad ng mga pinaggagagawa ng mga nasa nakaraang administrasyon.

Imadyinin ninyo, mga Bro, habang nakikipaggirian, may mga opisyal ng gobyerno na nakikipagtransaksyon mismo sa mga Tsino na sila ang makipag-partner sakaling kutkutin ang mga yamang-dagat na mineral.

Inuuna ng mga anak ng tipaklong na ito ang kanilang pansariling interes kaysa interes ng buong bayan.

SAMPOL

Maalaala ba ninyo, mga Bro, ang naganap sa Malampaya natural gas?

Dati rati, 50-50 ang hatian sa pagitan ng Pinas at Shell.

Nang lumaon, ibinenta ng Pinas ang parte nito at naging 10 porsyento na lamang.

Ngayon ay kontrolado na ng Shell at Chevron ang 90 porsyento ng Malamapaya field at wala nang magawa ang Pinas kung ano ang gawin ng Shell at Chevron.

Dalawa ang ginagawa ng dalawang kompanya: Ginagamit ang natural gas sa pagpaandar ng mga planta ng kuryente sa Batangas at ibinebenta ang iba sa ibang bansa.

Nagbebenta ang Shell at Chevron sa ibang bansa dahil mas mahal ito sa iba kaysa sa parte na ginagamit bilang panggatong ng mga planta ng kuryente.

Ngayon ay 10 taon na lang ang buhay ng Malampaya field at ibig sabihin nito na malapit nang maubos ang natural gas dito.

Lugi tayo sa patakarang mga pribadong kompanya ang nagmamay-ari ng yaman ng mga Filipino at naniniwala tayong babaligtarin ito ng Pangulo sa pakikipag-ugnayan ng Pinas sa Tsina ukol sa natural gas at langis sa West Philippine Sea, partikular sa Panatag Shoal.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply