SSS, naglaan ng P2.55-B para sa calamity relief assistance sa mga biktima ng Bagyong Vinta at Urduja

NAGLAAN ang Social Security System (SSS) ng P2.22 bilyon para sa calamity loan assistance at advance-three month pension para sa halos 200,000 aktibong miyembro at pensiyonadong naapektuhan ng bagyong Urduja at Vinta noong nakalipas na taon.

Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na mag-aalok ng Calamity Loan, Advance Three-month Pension at Direct House Repair and Improvement Loan ang SSS simula Enero 23.

“Sa kasamaang palad ay hinagupit tayo ng magkasunod na kalamidad noong bakasyon. Kaya’t ipinapaabot namin ang pinansyal na tulong sa mga miyembro at pensiyonado sa mga apektadong lugar dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng mga nasabing bagyo,” sabi ni Dooc.

Ang calamity loan assistance program (CLAP) ay isang bagong loan at hiwalay ito sa regular na salary loan na kung saan maaaring humiram ang mga miyembro hanggang P16,000 kung nagbabayad sila ng kontribusyon batay sa pinakamataas na monthly salary credit.

“Maaaring bayaran ang calamity loan sa loob ng dalawang taon na may katumbas na monthly installments at interes na 10 porsyento kada taon at isang porsyentong multa kada buwan kung hindi nakapagbayad sa takdang panahon ang miyembro. Upang mabawasan ang kanilang gastusin, napagdesisyonan namin na tanggalin ang isang porsyentong service fee,” dagdag ni Dooc.

Kwalipikado ang mga miyembrong may tirahan o ari-arian sa idineklarang calamity area ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ang nasabing kwalipikasyon ay angkop sa tatlong calamity assistance program, maliban sa CLAP na kung saan kailangan makapaghulog 36 kontribusyon, anim dito ay dapat nabayaran sa loob ng 12 buwan bago ang petsa ng aplikasyon.

Binigyang-diin din ni Dooc na ang OFW-members na nakatira sa idineklarang calamity area ay maaari din mag-apply sa calamity loan assistance. Magbigay lamang ng authorization letter sa kanilang kinatawan upang makapag-apply sa CLAP.

Batay sa datos ng SSS, nasa 667,513 miyembrong nagbabayad ng kontribusyon sa SSS ang naapektuhan ng Bagyong Vinta noong Disyembre 12 at Bagyong Urduja noong Disyembre 21. Sa kabuuang bilang ng mga apektado, 66,000 sa mga ito ang maaaring mag-avail ng calamity loan na may monthly salary credit na P10,000.

Ngunit nilinaw ni Dooc na hindi kwalipikado na mag-avail ng Calamity Loan ang mga miyembrong nagbabayad pa din ng buwanang utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) at CLAP, pati na rin ang may final benefit claims gaya ng total permanent disability at retirement.

Maliban sa CLAP, maaari din mag-apply sa Direct House Repair and Improvement Loan Program ang mga miyembrong nasira ang kanilang bahay. May mababang interes na 6 porsyento kada taon at wala na din processing fee.

Upang maka-avail ng Direct House Repair and Improvement Loan, hindi dapat lalagpas sa 60 taong gulang ang miyembro na may 24 buwanang kontribusyon, tatlo sa mga ito ay dapat pasok sa 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon.

“Ayon sa ulat ng NDRRMC, higit 22,000 tahanan sa Eastern Visayas at CARAGA ang napinsala. Makakahiram ang miyembro ng aabot sa P1 milyon na may mababang interes na 6 porsyento kada taon at nakapako ito sa loob ng 15 taon upang matustusan ang pagsasaayos ng kanilang mga tahanan at mabayaran nila ito buwan-buwan,” paliwanag ni Dooc.

Samantala, ang mga aplikante sa ilalim ng advance three-month pension ay kinakailangang magbigay ng barangay certification kung ang kasalukuyang address ay iba sa nakatalang address sa SSS database upang mapatunayan na sila ay nakatira sa idineklarang calamity area ng NDRRMC.

Nasa 118,000 pensiyonado mula sa idineklarang calamity areas na may average na buwang pensiyon na P5,324 ang maaaring mag-avail n advance three-month pension.

Hanggang Abril 23, 2018 ang aplikasyon para sa CLAP at advance three-month pension samantalang hanggang Enero 23, 2019 ang Direct House Repair and Improvement Loan.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply