TANGA NGA BA SI MOCHA?

MARAMI nang nasabi ang mga kritiko at netizens sa social media hinggil sa “KATANGAHAN” ni Presidential Communications Office assistant secretary Mocha Uson.

Tayo po ay magdadagdag lang ng sarili nating opinyon. Inuulit ko, sarili ko pong opinyon.

Para sa mga “matatalino” at “magagaling sa buhay” na mga kritiko o bashers, tanga raw si Mocha nang sabihin niya na ang nag-aalburutong Mayon Volcano ay nasa Naga imbes na sabihing nasa Albay sa lalawigan ng Bicol.

Teka, sino ba namang hindi nagkakamali minsan sa lokasyon ng isang lugar.

Hindi ba’t marami pa ring nagsasabi na ang Taal Volcano ay matatagpuan daw sa Tagaytay, sa halip na sa Batangas. Ahihihi!

Kung galit sa’yo o hindi ka type ng isang tao, big deal para sa kanya ang iyong kahit maliit na pagkakamali.

Kaya nga ang mga bashers niya ay agad nag-react at nagtaasan ang mga kilay nang gawaran siya ng award ng UST alumni association.

Mapababae o mapalalaki, hinanapan siya ng butas. At ang maliit na butas ay pinalalaki hanggang sa mawakwak si Mocha.

Para sa kanila, isang malaking kahunghangan na kilalanin ang isang tanga na nagsimula sa pagiging hubadera bago ginawang “Asec” ni Pangulong Duterte.

Sa ganang akin, nang kunin ni Pangulong Duterte ang serbisyo ni Mocha para makatulong sa kanyang administrasyon, lumalabas na hindi TANGA o BOBO ang dating mananayaw.

Para sa Pangulo, si Mocha ay may malaking gamit sa kanyang gobyerno.

Napatunayan ito ni Duterte noong tumakbo siya sa pagkapangulo noong 2016.

Ang galing at husay ni Mocha sa paggamit ng social media ay nakatulong nang malaki sa pagkapanalo ni Duterte.

Sa pamamagitan niya, dumami ang tagasuporta ng Pangulo na nagresulta ng milyon-milyong boto.

Sa totoo lang, siya sa kasalukuyan ang pinakaepektibong propagandista ng Pangulo.

Si Mocha ang numero unong tagapagtanggol ng Pangulo laban sa mga kritiko nito at magalit man kayo o sa hindi, malaking tagumpay ang kanyang papel sa larangang ito.

Nagagawa niyang mailihis ang mga batikos patungo sa kanya, imbes na sa kanyang patron.

Ang mga isyu tungkol sa kanya ay sinasabayan, sinasakyan at pinag-uusapan.

Kaya bakbakin, wakwakin o lurayin man si Mocha ng masasamang salita o pang-aalipusta, hindi alam ng mga kritiko o bashers na tuwang-tuwa pa siya.

Ibig-sabihin ay wagi siya sa kanyang ginagawang propaganda.

Kung para sa iba ay tanga si Mocha, dakila siya para kay Duterte. Galit sila dahil hindi sila ang nasa posisyon niya.

Dapat maging leksyon na hindi lahat ng tanga ay tanga lang talaga.

May mga tanga-tangahan, gaya halimbawa ni Mocha, para mas magmukhang tanga ang mga sumasakay sa kanyang propaganda kapag nailigwak na niya.

Hahaha! Mahusay ka Mocha!

Petmalu. Lodi na kita. KANTO’T SULOK/NATS TABOY

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply