Tugade pinagpapaliwanag sa jeepney phase-out plan

INATASAN ni Senador Grace Poe si Transportation Secretary Arthur Tugade na magpaliwanag o magkaroon ng update hinggil sa kasalukuyang lagay ng jeepney phase-out scheme at modernization program na planong ipinatupad ngayong 2018.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na kailangan magsumite kaagad ng report ang kalihim at isapubliko ang lahat ng napagkasunduan at napagdesisyunan hinggil sa naturang programa.

“Gusto natin malaman kung ano na ang nangyari sa modernization program. Nakagawa na ba ng malinaw na guidelines ang DOTr kung paano ipatutupad ito? Kasi marami pang dapat ayusin,” ayon kay Poe, chairman ng Senate committee on public services.

“Dapat mag-update ang DOTr sa publiko upang maiwasan ang kalituhan at misinformation. Dapat ilatag ang lahat ng detalye hanggang maabot ang mga ordinaryong jeepney driver dahil nakasalalay dito ang kanilang kabuhayan,” dagdag ni Poe.

Kasabay nito, umapela naman si Poe sa mga jeepney operators at drivers na huminahon sa harap ng planong protesta kasunod ng pagpapatupad ng “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na hinihinalang kaugnay ng modernization program.

“Walang ibang maaapektuhan ng kawalan ng transportasyon ay ang commuters na magpapatigil sa kanilang trabaho at pagliban sa klase ng mga estudyante,” aniya.

Sa ginanap na pagdinig nitong Disyembre na dinaluhan ng ilang kinatawan ng jeepney group, transportation officials, inirekomenda ni Poe na magsagawa ng pilot test sa modernization program sa harap nang kawalan ng malinaw na alituntunin at konsultasyon sa mga transport groups.

Ipinanukala ni Poe na subukan muna ang programa sa isang espisipikong lugar, at magpokus sa maisasagawang bagay, tulad ng pagsunod sa kaligtasan, roadworthiness at smoke emission

Sa naturang pagdinig, nangako ang DOTr patuloy na magsasagawa sila ng diyalogo sa mga PUV organization, operators at empleyado.

Alinsunod sa pinagkasunduan, umapela si Poe na dapat payagan bumiyahe ang mga lumang modelo ng sasakyan sa kanilang ruta na nakapasa sa pagsusuri at sumunod ang mga jeepney operators sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) results na nauna nang itinayo ng DOTr.

Sinabi ni Poe na naniniwala siya dapat nang paunlarin ang sistema ng public transportation tulad ng jeepney, pero hindi naman dapat patayin ng programa ang pinagkakakitaan ng mga drayber.

Itinakda ng DOTr sa halagang P1.5M hanggang P1.8 M ang isang bagong jeepney at magbibigay ng pamahalaan ng P80,000 subsidyo kada unit. ERNIE REYES

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply