Aktibong-aktibo ang sex life!

SHOWBYTES ni Danny Vibas

MGA tatlong linggo lang ang nakararaan ay walang takot na ipinagtapat ni Robin Padilla sa media launch ng isang health product na very active ang sex life nila ng misis n’yang si Mariel Rodriguez.

Ngayong linggo naman ay nagpahayag siyang handa na siyang tumanggap ng roles na may sexy scenes.

Ibang klase na talaga si Robin Padilla ngayon!

Ang simpleng paliwanag n’ya sa pagbabago ng pananaw n’ya sa ilang aspeto ng buhay ay: “Forty-eight years old na ako! Okey lang talaga na nadaragdagan ang edad ng mga tao.”

Umamin din nga siyang may gagawin sana siyang pelikula na mala “50 Shades of Gray” pero hindi na maipasok yon sa iskedyul n’ya. Hindi na n’ya binanggit ang titulo ng pelikulang yon na inialok sa kanya.

Parang mas nakatutuwa si Robin ngayon kesa nung kabataan n’ya na kanyang ginugol sa pagiging “bad boy.”

Ngayong may edad na siya, di na siya nangingiming tawagin ang lahat ng higit na mas bata sa kanya. Di nga ba’t tinawag n’yang “anak” yung Koreano na pinagpayuhan n’yang mag-aral mag-Tagalog? Du’n yon sa Pilipinas, You’ve Got Talent ng Kapamilya network.

Very touching din nung tawagin n’yang “anak” ang pamangkin n’yang si Mark Anthony Fernandez nung payuhan n’ya ito na umiwas na sa droga para tuluy-tuloy nang umayos ang buhay n’ya.

Sa totoo lang, ang unang sinyal na nagbabago na si Robin ay nung tanggapin n’ya ang pagiging bading ng kapatid n’yang si Rustom, pati na ang pag-aayos babae nito.

Parang may regular communication rin siya kay Bb Gandanghari na nagpa-part-time Uber driver sa Amerika ngayon, tuwing wala siyang modelling job. Tanggap na rin siguro ni Robin na nagpa-sex change na si Rustom sa Amerika. Rehistrado na rin siya sa Amerika legally na babae. Di na siya bading. Babae na siya!

Siguro naman ay tinatanggap din ni Robin ang pagpapalit ng pangalan at pagbabagong anyo ni Charice bilang Jake Xyrus. At pati na rin si Aiza Seguera na mister na ni Liza Dino (na anak ng dating pulis na si Martin Dino). Parang hindi pa naitatanong ng media kay Robin kung ano ang feeling n’ya sa pagbabago ng kasarian ng ilang taga-showbiz.

At sakaling alukin siya ng mag-asawang Jun Lana at Percy Intalan (na parehong lalake) ng movie project na bading ang gagampanan n’ya, tanggapin kaya n’ya? Parang di pa nga nakakaganap na bading si Robin, di ba?

Sana nga ay tumanggap si Robin ng papel na bading. Kahit na hindi yung bading na ayos babae. Okey rin yung lalake na ang ka-romantic and sexual relations ay lalake rin.

Samantala, alam n’yo na naman siguro na bukod sa Pilipinas, You’ve Got Talent, bidang-bida rin si Robin sa Sana Dalawa ang Puso sa Kapamilya network pa rin.

Talaga sigurong hindi na babaero si Robin ngayon dahil sa rami ng pinagkakaabalahan n’ya. Malamang ay alam n’yo na rino na bilang isang Muslim ay abala rin siya sa pagtulong sa pagri-rehabilitate ng Marawi city. Sana nga ay ma-involve siya sa Marawing Salamat na isang grand fashion show and opera na itatanghal sa Cultural Center of the Philippines sa April 16.

Umaatikabo sa mga bading ang proyektong yon! After all, baka 95% ng fashion designers sa Pilipinas ay mga bading.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply