Bello nagpaliwanag sa total deployment ban sa Kuwait

NILINAW ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang ginawa nilang pagpapatupad ng total deployment ban sa Kuwait ay para protektahan ang overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon kay Bello, hanggat wala pang bilateral agreement para sa proteksyon ng OFWs, na pinipirmahan ang pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait ay hindi sila magpapadala ng mga bagong manggagawa sa naturang bansa.

“Para sa proteksyon nila, tinitiyak namin na kapag pumunta na sila doon, eh protektado na sila,” ani Bello.

Umapela rin naman ang kalihim sa mga apektadong OFW na unawain ang ipinatupad nilang total deployment ban nitong Lunes, dahil ang kapakanan lamang aniya nila ang iniisip ng pamahalaan nang ipairal ito.

“Sana maintindihan ng ating mga kababayan na itong ban na ito ay para sa kanilang proteksyon,” aniya pa.

Nauna rito, may higit 200 OFWs na balik-Kuwait na ang hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa dahil na rin sa naturang ban.

Matapos namang matiyak na may overseas employment certificate (OEC) na ang mga naturang OFWs ay binigyan na rin sila ng clearance sa immigration at pinayagang makabalik sa Kuwait.

Nauna rito, nagpatupad ng total deployment ban ang pamahalaan laban sa Kuwait kasunod na rin ng mga insidente ng pang-aabuso at pagkamatay ng ilang Pinay domestic helper na nagtatrabaho doon.

Pinakahuling biktima ng pang-aabuso at pagpatay sa Kuwait ay ang Pinay DH na si Joana Daniela Demafelis, na ang bangkay ay nadiskubreng nakatago sa isang freezer, na nasa loob ng isang abandonadong apartment kamakailan lamang.  MACS BORJA

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply