Hazing at pang-aabuso, walang puwang sa Antipolo

HALOS 300 na mag-aaral sa Senior High School (SHS), mga guro at magulang mula sa mga pampublikong paaralan sa Antipolo ang dumalo sa idinaos na “Seminar on Anti-Hazing Law at Anti-Pedophile Law” ng Pamahalaang Lungsod, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Pebrero 1, 2018 na ginanap sa University of Rizal System (URS) covered court. Nagsilbing resource speaker sa naturang seminar ang dating Senador na si Atty. Joey Lina na may layuning bigyan ng kaalaman ang mga estudyante, guro at magulang sa batas na nagpoprotekta laban sa hazing at sekswal na pang-aabuso sa mga kabataan.

“Naniniwala po tayo na hindi makatarungan ang hazing kaya naman hangga’t maaari po nais nating protektahan ang ating mga mag-aaral laban sa mga organisasyon na nagsasagawa nito. Hindi rin po natin inaayunan ang anumang sekswal na pang-aabuso lalo na po sa ating mga kabataan. Hangad po natin na maipakalat sa bawat isa ang kaalaman tungkol dito upang mabigyang proteksyon ang kanilang mga sarili,” sabi ni Mayor Ynares.

Tinalakay ni Atty. Lina ang nilalaman ng Republic Act 8049 o “Anti-Hazing Law” kung saan maaaring makulong ng may pinakamababa na apat na taon o habambuhay ang sinumang lalabag sa batas na ito depende sa sinapit ng biktima.

Binigyang diin din niya ang mga uri ng pang-aabuso gaya ng physical violence, psychological violence, sexual violence at economy abuse na nakapaloob naman sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 kung saan hinikayat niya ang bawat isa na agad at huwag mag-atubiling ipaalam sa awtoridad kung sakaling makaranas nito.

Samantala, nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga guro, magulang at estudyante na magsalita o magtanong hinggil sa mga tinalakay na usapin.

Kasama ring dumalo sa nasabing seminar si Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply