Kalagayan ng OFWs sa Kuwait paiimbestigahan na

SA katwirang malala na ang kalagayan ng ilang OFWs sa Kuwait, isang resolusyon ang inihain sa Kamara ni ACTS-OFW Partylist Rep John Bertiz na humihiling na manghimasok na ang House of Representatives para imbestigahan ang kasalukuyang sitwasyon ng OFWs sa nasabing bansa.

Sa inihaing House Resolution 558 ni Bertiz, iginiit nito na nakaaalarma na ang sunud sunud na kaso ng mga pang-aabuso sa OFWs sa Kuwait kung saan ang pinakahuli ay ang pagkakadiskubre ng bangkay ng isang Pinay na may 1 taon nang nasa loob ng freezzer sa isang abandonadong apartment.

Giit ni Bertiz sa Kuwait naitatala ang pinakamaraming kaso ng pang-aabuso sa Gitnang Silangan.

Sa katunayan sa datos umano ng office of the undersecretary for migrant workers’ affairs, nasa 299 na mga naabusong OFWs ang kinakanlong sa OFW center sa kuwait hanggang nitong Enero 2018.

Nasa 103 na umano ang bilang ng mga naitalang namatay na OFW sa kuwait noong 2017, mas mataas sa naitalang 82 noong 2016.

Naniniwala si Bertiz na hanggang hindi kikilos ang pamahalaan laban sa ganitong pang-aabuso ay walang mananagot at hindi titigil ang mga dayuhang Kuwaiti na abusuhin ang kanilang mga kinukuhang Filipino Domestic Helpers.

Samantala, naghain din si Bertiz ng House Resolution 1617 na nagpapasuri sa trabaho ng mga ahensiya ng gobyerno kung talagang napoprotektahan ang kapakanan ng mga OFWs. GAIL MENDOZA

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply