KAMUSTA ANG DENGVAXIA?

NASABI na natin noon pa na ang hiwalay na imbestigasyon ng dalawang grupo o sangay ng pamahalaan ay mauuwi sa kontrobersya o panghihina ng pamahalaan sa serbisyo-publiko.

Ang mga ahensya ay ang Public Attorney’s Office at ang University of the Philippines-Philippine General Hospital Dengue Investigative Task Force na nilikha ng Department of Health.

Kaugnay ng kontrobersyal na bakunang Dengvaxia, tila malaki ang pagkakaiba ng imbestigasyon ng dalawang nabanggit na grupo.

At ang masakit, baka mauwi lang sa wala ang pagkalkal sa katotohanan ukol sa Dengvaxia na sinasabing mapanganib sa kalusugan ng mamamayan at pinaglustayan ng napakalaking halaga (P3.55 bilyon) ng salaping bayan.

 

ANG PAO

Para malinaw, mismong ang Sanofi na may gawa ng Dengvaxia ang nagsabing makararanas ng grabe o “severe dengue” ang isang naturukan dito kung hindi pa nagkakasakit ng dengue.

Sinasabi ng Sanofi na hindi nakamamatay ang nasabing kondisyon ngunit taliwas ito sa sinasabi ng World Health Organization.

Dahil ang Sanofi mismo ang nagpahayag ng kaduda-dudang Dengvaxia, nagsasagawa ang PAO ng imbestigasyon sa mga namatay na bata kung konektado nga sa nasabing bakuna ang pagkamatay ng mga ito.

At batay na rin sa nasabing imbestigasyon, may palatandaan na namatay nga ang ilan sa mga biktima dahil sa Dengvaxia na naglagay sa mga biktima sa kalagayang severe dengue.

Nagkaroon ang mga ito ng mga pagdurugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan na palatandaan ng Dengvaxia.

 

ANG UP-PGH

Ngayon naman ay sinasabi ng UP-PGH na posibleng walang namatay sa Dengvaxia na mga batang kanilang ineksamen.

Halos magkapareho ang bilang ng mga batang ineksamen ng PAO at UP-PGH.

Sabi ng UP-PGH, namatay ang ilan sa mga biktima sa ibang sakit.

Mayroon namang dalawa na hindi tinablan ng Dengvaxia matapos silang mainiksyunan.

Ang ilan naman ay kinakailangan pang pag-aralan nang mabuti para matiyak kung ano talaga ang ikinamatay ng mga ito.

 

NAG-AAWAY-AWAY NA

Dahil sa magkaibang mga resulta ng imbestigasyon o pag-aaral, lumalabas ngayon ang mga pag-aaway-away sa pagitan ng isang grupo gaya ng Doctors for Public Welfare at ng PAO.

May nagsasabi namang opisyal ng gobyerno na hindi dapat mag-alala ang nasa 830,000 nabakunahan ng Dengvaxia kung totoong walang namamatay sa bakuna at kung mayroon man ay kakaunti o paisa-isa lang.

Ngayon ay pinatitigil ng DPW ang PAO sa pagsasagawa ng tuloy-tuloy na imbestigasyon na posibleng patungo sa Department of Justice para sa kaukulang imbestigasyon din nito.

Isusumite rin ng UP-PGH sa DOJ ang mga natuklasan nito para sa kaukulang aksyon.

 

KUNG MAGKAKASO

Sa una pa lang na kalagayan na may dalawang grupo ng imbestigador, ang PAO at UP-PGH, sinasabi na natin noon na “paano kung hindi magtugma ang sa PAO at UP-PGH?

Paano kung isusulong ng PAO ang kriminal o sibil na pananagutan ng Sanofi sa kamatayan ng mga batang sa paniniwala nito ay namatay sa Dengvaxia?

Paano ang epekto ng aksyon ng PAO na masasabit ang mga opisyal noon ng pamahalaan na nagmadali at walang kaukulang pag-aaral ngunit bumili ng Dengvaxia saka ininiksyon sa 830,000 katao na karamihan ay mga mag-aaral?

Ang pinangangambahan natin ay mababalewala ang mga hakbang na panagutin ang Sanofi at ang mga opisyal ng bayan noon na kasama sa kwestiyunableng pagbili at paglalapat ng bakuna.

 

DOJ AT KORTE

Sa huli, ang DOJ ang isa sa mga ahensya na magtutukoy kung tama ang inilalahad ng PAO o ng inilalahad ng UP-PGH.

Sakali namang kakatigan ng DOJ ang PAO, malamang na manghihina ito sa pagkontra ng Sanofi at mga nauugnay rito na mga opisyal ng bayan bilang kalaban ng una.

Sakali namang aakyat sa korte ang usapin, ganito rin ang mangyayari = manghihina talaga ang paghahanap ng katarungan ng mga biktima, kasama na ang pamahalaan na gumastos ng dambuhalang salapi para sa pagbili at pagkilos para mabakunahan ang halos isang milyong mamamayan.

Bagama’t ang kapakanan pa rin ng higit na nakararami o buong mamamayang naapektuhan ng isyu ang sinusuportahan natin at mabuti kung paisa-isa lang ang namamatay sa Dengvaxia, ang totoo, wala pang sapat na kalagayan upang matuwa tayo.

Naririyan pa rin ang pangamba sa pagdating ng mga pangyayaring ang Dengvaxia ay mapanganib sa kalusugan ng higit na nakararaming Filipino.

Hindi sapat ang 14-20 kataong namatay at dumaan sa pagsusuri para igiit ng mga kontra PAO na mali ang huli at kung gayon ay libre sa anomang pananagutan ang Sanofi at mga kasama nila sa pagbili at pagpapainiksyon ng Dengvaxia.

Mungkahi natin na bawat mamamatay na nainiksyunan ng Dengvaxia ay suriin ng mga kinauukulan upang matiyak sa kalaunan na higit na mahalaga ang buhay ng Filipino kaysa salapi na tinatamasa ng Sanofi sa bakuna, kasama ang mga nagtatanggol dito na mga eksperto?

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply