LIBRENG IRIGASYON

MALAKING tulong sa mga magsasaka ang patakaran ngayon ng pamahalaang Duterte na libre na ang patubid sa mga sakahan.

Ngunit ito’y para sa mga sakahang hanggang walong ektarya lamang ang luwang. Karaniwang pag-aari ang mga ito ng mga mahihirap nating magsasaka.

Ang hihigit sa walong ektarya ay kailangan nang magbayad ng sinasabing Irrigation Service Fee o ISF.

RA 10969

Kamakailan lang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang batas na Republic Act 10969 na nag-amyenda sa RA 3601 at dalawang presidential decree na nagpapahintulot sa paniningil ng ISF.

Sa RA 3601 at dalawang presidential decree, may ISF na dalawang kabang palay kada ektarya tuwing tag-ulan at tatlo naman kung tag-init.

Nasa 2.5 kabannamang para sa ipon na tubig kung tag-ulan at 3.5 kaban sa tag-araw.

Kung ginagamitan naman ng generator ang patubig, gaya ng nasa lalawigan ng Cagayan na pinaakyat mula sa ilog ang tubig at itinutulak ang tubig patungo sa mga sakahan, may ISF namang 10 kaban kung tag-ulan at 12 kaban naman kung tag-araw.

Ang katwiran para sa ISF, eh, kailangang may kita ang NIA para sa sahod ng kanilang mga tauhan, mantinasya ng mga kagamitan at sistema ng patubig gaya ng repair sa mga dam at kanal.

Sa bisa ng batas na mabilis na pinirmahan ni Pang. Digong at pangunahing inakda ni Sen. Cynthia Villar, Makabayan bloc at marami pang kongresman sa Kamara, hindi kasali ang mga may-ari ng mahigit sa walong ektaryang sakahan, corporate farms, plantasyon, at fishpond.

WALA NANG AWAY

Dahil sa paniningil ng NIA ng ISF na ligal naman noon, away ang inaabot ng mga taga-NIA.

Una, kung may bagyo at baha, mananatili ang utang ng mga magsasaka at may interes pa.

Walang patawad ang NIA kahit utang pa sa mga usurero ang inubos ng bagyo, baha at peste.

Wala ring patawad ang NIA sa tag-ulan kahit wala itong suplay ng tubig dahil sobra-sobra nga ang tubig-ulan.

Sa pag-iral ng bagong batas, mababawasan na nang malaki ang away.

Isa pa, pinatatawad na rin ng bagong batas ang lahat ng utang ng mga magsasaka na may lawak ng lupaing nabanggit.

Ewan natin kung pagbibigyan ang mga may mas malawak na lupain, gaya ng mga magsasakang nagmana ng mahigit walo pero pinaghahati-haitan ng maraming magkakapatid.

MALALAKING PROBLEMA PA

Malaking tulong ang pananatili sa kamay ng mga magsasaka ng nasa 14.5 kaban sa tag-ulan o 18.5 na kaban sa tag-araw.

Kahit paano, kung ibebenta nila ang nasabing palay sa National Food Authority na may presyong P17 kada kilo at may insentibo pa na ilang sentimo kung idedeliber, tuyo at benta ng mga organisasyon o kooperatiba, aba, laman “tiyan din ‘yan.”

Pero marami pa ang problemang natitira.

Isa sa mga problema, mga Bro, ang kawalan ng pag-iimbakan na maayos ng mga magsasaka dahil nauunahan sila sa mga warehouse ng NFA ng mga rice trader.

Kahit sa mga dryer, nauunahan din sila ng mga rice trader o cartel kaya sa kalsada na lang sila nagpapatuyo ng palay.

Kapag may dumaan na mga trak, nasasagasaan, nadudurog, tumatalsik sa mga damuhan ang mga palay.

Pag inabot sila ng ulan, naaanod na ang mga palay, doble trabaho pa dahil magbibilad ulit sila pagkatapos ng ulan.

PROBLEMA PA

Nagkakamot ngayon ng ulo ang maraming magsasaka na hindi na gumagamit ng mga kalabas sa pag-aararo at paglilinang at puro nakadepende sa kuliglig at traktor.

Ang mahal na kaya ang gasolina at diesel at pati mga piyesa ng mga generator ay nagmahal na rin.

Kung walang irigasyon ng NIA at magdepende ka sa deepwell o pagkuha sa ilog ng tubig para sa iyong sakahan, kalimutan mo na dahil malulugi ka lang sa gasolina o diesel.

Sa tag-araw, kailangan mong magpatubig kahit minsan sa isang linggo.

Eh, magkano ang gastos mo sa gasolina o diesel para sa isang ektarya lamang para kahit paano ay bumaha nang kaunti at mananatiling maayos ang lupa pero sa loob ng apat na buwan?

Kaya, swerte lang ang mga may irigasyon ng NIA at malas ang mga umaasa lang sa ulan o sa generator kung gusto nila ang magtanim.

JEEPNEY ISTAYL

Paano kaya kung bigyan din ang mga magsasaka ng discount sa mga diesel at gasolina gaya ng ginagawa sa mga jeepney?

May pakunswelo kasi ang mga istasyon ng gasolina sa mga jeepney driver kahit marami sa mga istasyon ang mandaraya sa metro.

Mungkahi natin sa pamahalaan na kausapin ang mga isatasyon ng gasolina na magbigay rin ng insentibo sa mga magsasaka, pero yung walang daya sa metro. Hehehe!

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply