MGA BARKONG GAWANG PINOY

ALAM ba ninyo na pang-apat ang mahal kong Pinas sa mga gumagawa ng mga barko sa buong mundo?

Alam ba ninyo na nag-eexport din tayo ng mga barko?

Sa kabila nito, alam ba ninyong mas gusto ng nakaraang mga administrasyon ang mag-import ng mga barkong pang-militar na gawa sa ibang bansa, kahit na hinugot ang mga ito sa junk shop?

 

MAIGSING KASAYSAYAN

Ang totoo, matagal nang gumagawa ng barko ang Pinas at sa pagkakaalam ng ULTIMATUM, mga Bro, isa sa mga nagpasimula nito ang Colorado Shipyard Corporation na nasa Consolacion, Cebu at pag-aari ng isang pamilyang Pinoy.

Sa unang taon ng martial law itinayo ang CSC na nagsimula sa paggawa ng mga maliliit na sasakyang pandagat hanggang gumawa ito ng mga barhe at barko at ngayon ay nag-e-export na ito.

Kayang gumawa ang CSC ng barkong naglalaman ng 62 na container van.

Mayroon nang 43 na rehistradong gumagawa ng barko sa Pinas ngunit higit na nakararami, nasa 80 porsyento, ang maliliit at 20 porsyento lang ang kayang gumawa ng malalaki.

Ang 20 porsyentong ito ang nakagagawa na ng mga barkong kabilang sa mga pinakamalalaki sa buong mundo.

 

HIGANTENG BARKO

Talaga namang napakalaki ang gawang Subic na barkong Antoine De Saint Exupery.

Mga Filipino ang gumawa nito bagama’t ang Koreanong kompanyang Hanjin Heavy Industries-Philippine ang may produksyon at disenyo nito.

May 400 metro ang haba, 59 metro ang luwang at 33 metro ang lubog na bahagi nito.

Kaya nitong kumarga ng 20,950 piraso ng 40-foot container van na kung pagdudugtungin, eh, may habang 12.5 kilometro.

Nitong Enero 25, 2018 ay sinimulan nang ideliber sa France ang barko na isang taong tinesting sa paglalayag.

Ipinagmalaki ni Subic Bay Metropolitan Authority chairperson Atty. Wilma Eisma, bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang barko bilang Pinoy made at kauna-unahang pinakamalaking barkong pang-container van sa mundo.

Dumalo naman sa unveiling ng barko sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Senador Richard Gordon bilang kasama ni Chair Eisma na pangunahing pandangal sa okasyon.

Ipagmalaki, suportahan ang mga Pinoy sa paggawa ng barko at dapat gawang Pinoy na rin ang lahat ng mga barko sa Pilipinas, lalo na ang pamahalaan, ayon kina Macapagal at Gordon.

Nakaqgawa na ang Hanjin ng mahigit 200 barko na order ng iba’t ibang bansa mula nang itayo ito sa capital na P50 bilyon at ngayo’y may 30,000 empleyado.

 

MADE IN NAVOTAS

Maipagmamalaki naman ng Metro Manila Shipyard Association Inc. na nakabase sa Navotas City ang dalawang barkong gawang Pinoy na Lapu-Lapu and Francisco Dagohoy na inorder ng Bureau of Aquatic resources.

Kayang maglayag ang mahigit 50 metro ng haba na mga barko sa West Philippine Sea at Philippine Rise o kahit saang karagatan ng Pinas.

Nagkakahalaga lamang ang bawat isa sa mga ito ng P178.5 million.

Napag-alamang ang dalawang barko na ito ang kauna-unahang malaking barko na binili ng gobyerno ng Pilipinas mula sa lokal na ship builder.

 

ISA PA SA CEBU

Itong Tsuneishi Heavy Industries na nakabase sa Balamban, Cebu ay nakagawa na ng 200 barko at kaya nitong gumawa ng 25-30 barko sa isang taon.

Itinayo ito ng kompanyang Japan na Tsuneishi at ang pinakamalaking barkong nagawa nito ay ang MV Frontier Zone at ito ang pangalawang pinakamalaki sa gawang Hanjin.

May haba itong 286.90 metro, luwang na 45 metro na katumbas ng 30 basketball court at lubog na 24.50.

Para hindi gaanong mapolusyon, marami itong electric motor na gamit sa paghila, pagtulak at pagbaba at pagtaas ng mga kargamento.

May empleyado itong 760 at nagsimula lang sa capital na P450 milyon.

 

KAYANG-KAYA

Kung iisipin, may sapat nang kaalaman ang mga Pinoy na gumawa ng sarili nilang barko at hindi na kailangang mag-import pa.

Totoo na may mga barkong mas mura kung inaangkat.

Subalit kung itotodo ng mismong pamahalaan natin ang pagtulong sa mga gumagawa ng barko sa Pinas, lalo na ang mga Pinoy talaga, hindi imposibleng magmumura rin ang mga “only in da Pilipins” na barko.

Kulang na lang ang mga modernong gamit, pinansya at materyales, lalo na ang bakal, sa pagsasarili ng Pinas na gumawa ng mga sariling barko.

Pero kung titingnan ang capital, halimbawa, ng Tauneishi na wala pang kalahating bilyon at ang kompanya sa Navotas na mas mababa ang puhunan, aba, hindi imposibleng makapagtayo talaga tayo ng mga pagawaan ng barko na marrami.

Marami rin tayong mga bundok na pagkukunan ng mga mineral na maging bakal at pupwede tayong magtayo ng sarili nating smelting plant o gawaan ng bakal.

Hamon ngayon ito sa aitng pamahalaan hindi lang sa pamahalaang Duterte kundi sa susunod pang administrasyon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply