Mga ebidensiya vs PNoy isinumite na

NAISUMITE na ni Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica sa tanggapan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang ipinangako niyang dagdag ebidensiya na magpapatunay sa pagiging corrupt ni dating Pangulong Benigno Aquino.

Sa kanyang mga isinumite sa DOJ, pinatutunayan ng mga inilabas na ebidensiya ni Belgica na ang impeachment kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino ay bunga ng pagiging ganid na opisyal ni Aquino.

Base sa impormasyon ni Belgica, taong 2011 kasi nang ipag-utos ng Supreme Court ang distribusyon sa mga farmer beneficiaries ng P1.3 billion na pinagbentahan sa 500 hectares na lupain sa RCBC at 81 hectares sa Bases Conversion and Development Authority para sa Subic-Clark Tarlac Expressway ng Hacienda Luicita ng mga Aquino na pilit hinarang ng dating pangulo.

Dahil hindi bumigay si Corona kahit na humingi pa sa kanya ng audience si Aquino, naging obsesyon nito ang mapatalsik sa puwesto ang chief justice.

Ayon kay Belgica, para maisakatuparan ang pagpapatalsik sa chief justice ay ginamit ng Aquino administration ang Disbursement Acceleration Program at pork barrel fund para gamiting panuhol sa Kongreso at Senado.

Binigyang diin ni Belgica na hindi pa natapos ang pagka-ganid sa pera at kapangyarihan ni Aquino at ng mga alipores nito kung saan ilan lamang sa mga malalaking kasalanan nito sa bayan ay ang pagsasamantala sa pondo ng mga Yolanda victims, Mamasapano massacre na ikinamatay ng SAF-44, sell-out ng Mindanao sa Malaysia, sell out sa China ng West Philippine Sea kasabwat pa ang nagpapanggap na anti-China na si Senator Antonio Trillanes para palihim na payagan ang Beijing sa pag-extract ng unlimited oil at gas na dapat ay para sa mga Pilipino.

Iginiit ni Belgica na ito ang sitwasyon na pilit na binabaliktad ng mga alipores ni PNoy sa pamamagitan ng mga diversionary issues laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at mga malalapit sa pangulo para mapagtakpan ang mga krimen, sobra-sobrang corruption at pagsasamantala sa kapangyarihan para matakasan ang pananagutan sa bilyones na kanilang kinamal.

Dagdag pa ni Belgica na gustong maulit ng mga dilawan kay Pangulong Duterte ang sinapit ni Corona na napatalsik sa puwesto kahit walang sapat na ebidensiya sa mga alegasyon laban ditto.

Kasama sa mga ebidensiyang isinumite ni Belgica sa DOJ ang listahan ng 74 congressmen na nakatanggap ng DAP noong November 23, 2011 na nagkakahalaga ng kabuuang P819 million kung saan naipamahagi ang unang tranche ng DAP sa mga kongresista sa pagitan ng October 12 at December 31 2011; ang patunay na natanggap ng Office of the Secretary General ng House of Representatives ang article of impeachment noong December 12, 2011 na nai-transmit sa Senado ng sumunod na araw; ang patunay na ang unang tranche ng DAP cross boarder ay naipamahagi sa mga senador sa pagitan ng November 16 at December 22, 2011 at ang listahan ng mga nakinabang na senador. KRIS JOSE

 

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply