MGA PINOY IPAGLABAN KAHIT KAILAN, KAHIT SAAN

BUONG suporta ang ULTIMATUM sa paninindigan ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte na hindi alipin ang kahit isang Pinoy kahit kailan at kahit saan.

Kaugnay ito ng pagkamatay o pagpapakamatay ng sunod-sunod na mga overseas Filipino worker sa bansang Kuwait sa katapusan ng nakaraang taon.

Kalupitan at hindi makataong pagtrato sa mga ito ang dahilan ng kanilang kamatayan o pagpapakamatay.

May nadiskubre ring isang Pinay na nakitaan ng torture at nakalagak ang bangkay sa isang freezer sa loob ng isang taon.

Tumakas ang amo nitong isang Lebanese at asawa nitong Syrian makaraang isagawa ang krimeng kanilang inilihim.

Marami pa ang may reklamong sila’y itinuturing na alipin, pinahihirapan sa trabaho, hindi sinasahuran nang tama, inaabuso nang pisikal at pinagsasamantalahan.

 

72 ORAS

Dahil sa rami ng mga biktima ng mga Arabong employer, ipinag-utos na ni Pangulong Duterte ang pagpapauwi ng lahat ng mga distressed o may problemang OFW sa loob ng tatlong araw o 72 oras.

Kasabay nito ng pagpapalipad ng Philippine Airlines upang sunduin ang mga OFW na lgusto nang umuwi.

Boluntaryo na ring nagsabi ang Cebu Pacific na tumulong sa pag-uuwi ng mga OFW.

At nitong nagdaang mga araw nga ay nagsimula nang dumating ang mga panimulang grupo ng mga OFW na may gustong magsibalikan sa Pilipinas.

Karamihan sa mga ito ang kababaihan na nagkaroon na rin ng takot sa nagaganap sa kanila sa Kuwait.

Sa mahigit 250,000 na OFW sa Kuwait, mahigit 160,000 ang kababaihan at mga kasambahay.

 

MAHIGIT 10K

Kabilang sa mga distressed na OFW ang mga iligal na ang paninirahan at empleyo sa nasabing bansa.

Maaaring napaso na ang kanilang kontrata o kaya’y biktima ang mga ito ng illegal recruitment.

Lahat ng uri ng distressed, kasama ang mga nire-rape, inaabuso sa iba’t ibang paraan at iba pang hindi makataong pagtrato ang pinauuwi ng Pangulo.

Mahigit 10,000 ang lahat ng ito na target ng 72 oras na pagbibiyahe.

Ang gawin lang ng mga ito ay magpakita sa anomang opisina ng Pilipinas sa nasabing bansa at magpakita na rin sa immigration office ng Kuwait upang magkaroon ng maayos na papeles sa pag-uwi.

Dapat umanong samantalahin naman ng mga overstaying na OFW ang amnestiya na ibinigay ng Kuwaiti government upang makaiwas ang mga ito ng multa at iba pang kaparusahan.

 

TOKHANGIN SILA

Sinusuportahan din nang buo ng ULTIMATUM ang kautusan ni Pang. Digong na hanapin at parusahan ang mga illegal recruiter, maging ang mga ligal na recruiter na nagpapabaya sa mga OFW na kanilang ipinadadala sa Kuwait.

Dapat na isama na rin ang mga grupong nagpapalusot ng mga OFW sa pagpapabiyahe ng mga ito sa Sabah at Malaysia ngunit sa kalaunan ay sa Kuwait din ang bagsak.

Naniningil umano ang mga recruiter ng P50K-P75K sa mga gustong magpa-Kuwait sa anomang paraan.

Mga Arabong recruiter, ang mga Pinoy na kasabwat nilang recruiter at mga taga-Bureau of Immigration ang nagtutulong-tulong umano sa pagpapalusot ng mga OFW.

Nararapat talagang ilagay sa tokhangan ang mga anak ng putakteng ito.

Akalain mo bang hindi lang nila binabalewala ang kautusan ni Pang. Digong.

Patuloy nilang inilalagay sa alanganin ang buhay ng mga OFW magkapera lang sila.

Katokhang-tokhang talaga ang mga ito.

 

IBA NANG PANAHON

Alalahanin, hindi na ito panahon ng kapabayaan sa mga OFW kapalit ng dolyar na remittance nila.

Hindi na ring panahon ng pagkatakot na baka mawalan ng merkado ng mga OFW na itinuturing na kalakal na pagkakitaan.

Hindi na ring panahon na itinatago ng mga embahada, konsulado at labor attache ang mga distressed na OFW kapag bumibisita ang mga opisyal ng bansa.

Hindi na ring panahon na pinagkakaperahan ng mga opisyal ng Pinas ang mga distressed OFW.

Wala nang sex for fllight o pagpaparaos sa mga distressed na OFW, lalo na ang mga kababaihan.

Tapos na rin ang panahong ginagawang prostitute ang mga ito.

Panahon na ng pagpapalaya sa pagkaalipin, pagsasamantala at iba pang hindi makataong kalagayan ng mga OFW.

At panahon na ng pagpaparusa sa mga pumapatay, sa mga sanhi ng suicide at lahat ng anyo ng pang-aalipin at pagsasamantala sa kanila.

Dumating na ang mga araw ng pagbabago, pagmamalasakit, pagpapahalaga at pagmamahal sa mga OFW.

Kailangan nang manindigan ang mga Pinoy para sa kanilang buhay at dangal bilang tao.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply