Mga selda sa piitan ginalugad

BATAAN – Upang makatiyak na walang nakapapasok na anumang uri ng kontrabando lalo na ang ipinagbabawal na droga, sorpresang ginalugad ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang mga selda at kubol sa Bataan District Jail.

Napag-alaman kay Bataan District Jail Warden Supt. Andrew Tauli, na ang pagpapatupad ng Operation Greyhound ay alinsunod sa programa ng BJMP na “Oplan Linis Piitan” na layuning galugarin ang mga selda at kubol ng mga male inmates upang makasiguro na walang makapapasok na anumang uri ng kontrabando.

Kasama ang mga K-9 Sniffing Dogs ng PDEA, magkatuwang na ginalugad at hinalughog ng mga awtoridad ang anim hanggang pitong malalaking selda ng male inmates kung saan lahat ng posibleng pagtaguan ng kontrabando ay hindi pinalampas na busisiin para matiyak na walang nailulusot ang mga dumadalaw dito.

Bago ikasa ang operasyon, isa-isang pinalabas ang inmates sa kani-kanilang mga selda na nasorpresa sa biglaang inspeksiyon.

Matapos ang inspeksiyon, walang nakumpiskang ilagal na droga o anumang kontrabando sa mga selda ng inmates, maliban sa ilang mga nakuhang matatalas at matutulis na bagay. ROEL TARAYAO

 

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply