POEA NAGPAALALA SA MANGGAGAWANG FILIPINO, HUWAG GUMAMIT NG MGA PEKENG DOKUMENTO!

MULING pinaalalahan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga manggagawang Filipino na huwag gumamit ng mga pekeng dokumento para sa kanilang aplikasyon sa trabaho sa ibang bansa.

Inihayag ng POEA ang nasabing babala matapos itong makatanggap ng mga ulat at reklamo mula sa foreign employer dahil mga pekeng certificate of employment ng mga OFW na na-rekrut at dineploy para sa Middle East at sa iba pang bansa.

Sinabi ng POEA na kabilang sa gawain ay ang pagsusumite ng peke o dinayang employer certificate ng aplikante, na ang ilang kaso ay ginagawa ng ilang licensed recruitment agency na may pahintulot ng manggagawa, upang mapakita na nasunod nila ang work experience at training requirement na kailangan ng employer.

Gayunpaman, matapos ang pagberipika sa pangunahing source, nakita na ang ilang aplikante ay hindi sumailalim o hindi natapos ang training program, o hindi nagtrabaho sa kompanya o institusyon na nakasaad sa kanilang sertipikasyon.

Ang maling gawain ay maglalagay sa OFW sa kapahamakan at maaaring mag-resulta ng deportasyon, pagkakulong, at ma-blacklist sila at hindi na payagang magtrabaho sa iba pang bansa, ani POEA.

Pinaalalahanan din ang lahat ng lisensiyadong recruitment agencies na obligasyon nila na pumili at mag-deploy ng may kakayahan at karapat-dapat na manggagawa at sumunod sa pamantayan sa pagre-rekrut at pagde-deploy ng manggagawa.

Nagbabala din ang POEA sa mga placement agency na maging maingat sa pag-beripika kung tama ang mga dokumento na isinusumite ng mga aplikante.

Kailangang alam ng manggagawa at recruitment agency na may katuwang na pananagutang administratibo at kriminal ang anumang paglabag sa batas at regulasyon sa pag-empleo sa ibang bansa, babala ng POEA.-ooOoo-

DEPLOYMENT SA KUWAIT, SINUSPINDE NI BELLO

Ipinag-utos ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagsuspinde sa deployment ng mga manggagawa sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng pitong overseas Filipino workers sa nasabing bansa.

Sa bisa ng Administrative Oder No. 25, inatasan ni Bello ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na pansamantalang itigil ang pagpoproseso at paglalabas ng overseas employment certificates (OEC) sa lahat ng manggagawa na tutungo sa Kuwait habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon kaugnay sa dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipinong manggagawa.

Hindi naman kasama o exempted sa kautusan ang mga manggagawa na naisyuhan o mayroon ng OEC.

“Nais namin magkaroon ng hustisya para sa mga OFW, at habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon kaugnay rito, sinususpinde muna namin ang pagpoproseso at paglalabas ng mga OEC. Ginagawa namin ito upang maprotektahan ang kapakanan ng ating mga kababayan,” ayon kay Bello.

Agad ring ipinatupad ang kautusan kasabay ng pag-isyu nito sa publiko.

Napabalitang pitong Pilipinong manggagawa ang namatay sa Kuwait at sila ay sina Liezl Truz Hukdong, Vanessa Karissha L. Esguerra, Marie Fe Saliling Librada, Arlene Castillo Manzano, Devine Riche Encarnacion, Patrick Sunga, at Mira Luna Juntilla.

Lahat ng mga nakilalang Pilipinong migrant worker ay mga household services worker, at karamihan sa kanila ay na-deploy noong 2016.

 

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply