Probe sa Duterte bank accounts tinabla sa Senado

LANTARANG tinabla ni Senador JV Ejercito ang panukala ni Senador Antonio Trillanes IV na imbestigahan ng Senado ang sinasabing secret bank accounts ni Pangulong Duterte.

Sa panayam, sinabi ni Ejercito na hindi kailangan na imbestigahan pa ng Senado ang sinasabing tagong bank accounts ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihain ni Trillanes ang panukalang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang secret bank accounts ni Duterte, na inihain sa Senate committee on banks, financial institutions and currencies na pinamumunuan ni Sen. Chiz Escudero.

“Lumang isyu na iyon, “ ayon kay Ejercito.

Sinabi ni Ejercito na masyado nang maraming isyu ang iniimbestigahan ng Senado at nakabinbin na panukalang batas na kailangan nang pagtibayin, tulad ng korapsiyon sa Bureau of Customs, dengvaxia vaccine atbp.

Nangangamba si Ejercito na kapag naiakyat sa Senado ang impeachment case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno baka hindi na mailusot ang mga mahahalagang batas na higit na kailangan ng mamamayan kung kaya’t mas makakabuti na huwag muna magdagdagan ang kanilang mga gawain sa pag-iimbestiga sa halip tutukan ang mga panukalang batas na mahalaga para sa bayan.

Kaugnay nito, Hinimok ni Senate President Koko Pimentel si Trillanes na magsampa na lamang ng kaso sa korte hinggil sa alegasyon nito sa umano’y tagong yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Pimentel, kung talagang may hawak na ebidensya si Trillanes hinggil sa mga kwestiyunableng bank accounts ng presidente, ay ihain na lamang ito sa korte.

Paliwanag ng senador, una na itong ginawa ni Trillanes kina dating Davao Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio at paniguradong kapareho lamang ang kalalabasan nito sa ibang mga miyembro ng Duterte family.

Giit ni Pimentel, hindi ang Senado ang tamang forum para sa alegasyon ni Trillanes.

Una nang sinabi ni Trillanes na ang kaniyang ikakasang Senate probe ay tugon lang sa mga hamon ng Pangulo sa Kongreso na busisiin ang kaniyang mga bank accounts.

Hihintayin muna aniya niya ang consensus mula sa mga Senador matapos mairefer sa head ng komiteng didinig dito ang resolusyon ni Trillanes. ERNIE REYES

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply