“SALAMAT SA’YO” SA MGA TAXPAYERS NA NAGBABAYAD NG TAMANG BUWIS

SA mga katagang “Salamat Sa’yo”, ipinarating ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pasasalamat ng pamahalaan sa lahat ng humigit – kumulang 30 million taxpayers sa bansa. Ang buwis na binabayaran ng mga mamamayan ang siyang nagpapatakbo sa mga pangunahing programa at proyekto ng gobyerno.

Nakamit ng BIR ang 97% o halagang Php 1.57 trillion ng target collection na Php 1.62 trillion noong taong 2016, positibo ang BIR na makakamit ang inaasahang 2.039 trillion ngayong taon dahil sa pagsasabatas ng Republic Act No. 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). Doble kayod ang pamunuan at mga kawani ng ahensiya na makakulekta ng Php 5.5 billion kada araw upang ma-hit ang target collection.

Nitong February 9, 2018 ay pormal na inilunsad ng BIR sa pangunguna ni commissioner Caesar R. Dulay ang “Salamat Sa’yo” campaign na naglalayon na maiparating sa mga nagbabayad ng tamang buwis kung saan napupunta at inilalaan ang kanilang binabayarang buwis. Binago ng BIR ang approach nito sa mga tax payers, kung dati ay paulit-ulit itong nagbabanta sa mga hindi nagbabayad at umiiwas sa buwis, ngayon ay kinakatok nila ang puso at damdamin ng mga ito upang bayaran ang kanilang tamang buwis.

Hindi naman lumalambot ang posisyon ng BIR sa mga delinquent tax payers, mas nais lamang nitong maging positive energy ang dating sa mga tamang korporasyon at indibidwal na nagbabayad ng buwis.

Dumalo ang inyong lingkod sa paglulunsad ng kampanya sa Regional Revenue Office No. 6 na saklaw ang Maynila kung saan ipinaliwanag ng bagong talagang regional director, Atty. Romulo L. Aguila, Jr., ang bagong panawagan ng ahensiya. Ang Manila revenue regional office ay binubuo ng mga sumusunod na revenue districts Tondo – San Nicolas (RDO 29), Binondo (RDO 30), Sta. Cruz (RDO 31), Quiapo – Sampaloc – Sta. Mesa – San Miguel (RDO 32), Intramuros – Ermita – Malate (RDO 33), Paco – Pandacan – Sta. Ana – San Andres (RDO 34) at RDO 36 Palawan.

Binigyang-diin ni Regional Director Aguila na wala sa laki o liit ang buwis na binabayaran, kapag ito ay tamang komputasyon, pareho ang maitutulong nito sa pagbuti ng serbisyo ng pambansa at lokal na pamahalaan. Sa bandang huli, bayan at ang mamamayan ang nakikinabang.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply