Sindikato sa NFA na nagpapalutang ng rice shortage, kakalkalin

PINAIMBESTIGAHAN ni Sen. Grace Poe ang sinasabing kakapusan ng suplay sa bigas na hinihinalang kinokontrol ng sindikato sa National Food Authority (NFA) upang malayang makapag-angkat ng bigas ang bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na kailangan imbestigahan ng Senado ang lumulutang na kakapusan ng bigas matapos aprubahan ng pamahalaan ang importasyon ng 250,000 metric ton ng bigas upang magkaroon ng sapat na buffer stock at panatilihin ang presyo sa mas mababang halaga.

Ayon kay Poe, ipinatawag niya ang imbestigasyon upang alisin ng mascara ang sinasabing sindikato sa loob ng NFA na komokontrol sa suplay.

“Kailangan nating tingnan sa mga merkado kung nagkakaroon ng kakulangan. [ng suplay ng NFA rice]… Mabuti ang ating Presidente ay pumayag na ng importation pero ito ang tanong, palagi na lang nangyayari ito. Bakit tayo umaabot sa nagkukulang tayo? Mayroon bang sindikato sa loob na nagpipigil ng tamang datos na ilabas kung mayroon bang sapat o di sapat [na suplay]? Ayon kay Poe sa panayam kahapon.

Naunang tiniyak ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol na may sapat na imbak na bigas ang pamahalaan at katunayan may sobra pang suplay na umaabot sa 2.7-million metric tons na inani sa bansa.

Sinabi ni Poe na dapat tulungan ng DA ang lokal na magsasaka sa papamagitan ng pagbili ng kanilang ani at bigyan sila ng prayoridad sa halip na umangkat ng bigfas upang tumaas ang kita ng sarili nating magsasaka.

“Pwedeng hikayatin ng DA ang mga kooperatiba na magsama-sama at bilhin natin ang natitirang mga bigas sa ating mismong magsasaka. Huwag nating baratin, bilhin natin sa tamang presyo kasi kung ‘yun lamang ay mapupunuan din kahit papaano at matutulungan pa ang ating mga magsasaka,” ayon kay Poe.

Nagdududa naman si Poe sa pagpayag ng pamahalaan na umangkat na bigas sa kabila nang papalapit na ang anihan sa susunod na buwan matapos maubos na umano ang imbak ng bigas.

“Sa tingin ko ilang dekada nang nagkakaroon ng haka-haka at ugong-ugong tungkol doon sa mga sindikato diyan sa NFA. Yung ating imbestigasyon noon sa rice smuggling, hindi pa yata nareresolba yung mga taong nabanggit doon at wala pa yatang napapakulong. Siguro dapat balikan natin iyon dahil kriminal na pigilin ang malayang pagbebenta sa tamang halaga. Iyan talaga ang basic need ng ating mga kababayan,” ayon kay Poe na tumutukoy sa imbestigasyon sa rice smuggling noon.

“Hindi ko alam kung minamaniobra ito ng iilan—na yung timing ay ganun. Siyempre hindi naman natin pwedeng kontrolin ang merkado pero dapat ang gobyerno mismo ang bumibili sa ating magsasaka ng bigas sa tamang halaga at ang gobyerno ang nagpoprotekta na huwag tayong mag-iimport kung mayroon naman tayong sapat, kaya lamang ang sinasabi nga ay hindi e mahirap din naman na magkaubusan so mag-import tayo ngayon pero imbestigahan natin bakit naging ganon ang sitwasyon,” dagdag niya. ERNIE REYES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply