Tuition sa 2nd semester ng SUCs, ibabalik ng CHED

INATASAN ng isang senador ang Commission on Higher Education (CHED) na ibalik ang tuition at iba pang siningil sa mga mag-aaral sa lahat ng State Universities and Colleges (SUCs) sa second semester matapos maging epektibo ang libreng kolehiyo.

Sa pahayag, sinabi ni Bam Aquino na dapat ibalik ng state universities and colleges (SUCs) ang bayad na kanilang kinolekta mula sa mga estudyante ngayong ikalawang semester ng school year 2017-18, ngayong may bisa na ang batas sa libreng kolehiyo.

Sa isang panayam sa radio, sinabi ni Sen. Bam na dapat ipinatutupad na ng Commission on Higher Education (CHED) ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act para sa ikalawang semester ng Academic Year 2017-18.

Ayon kay Sen. Bam, may ilang SUCs na ang sumunod sa batas at tumigil na sa pangongolekta ng tuition at iba pang bayarin mula sa mga estudyante. Subalit, may ilan pa ring paaralan ang ginagawa ito sa kabila ng nasabing batas, posible dahil sa kakulangan ng pondo.

Sa panayam, inulit ni Sen. Bam ang panawagan sa CHED na agarang ipatupad na ang RA 10931, sa pagsasabing higit na kailangan ito ng mga pamilyang Pilipino ngayon lalo pa’t tumataas ang presyo ng bilihin at serbisyo bunsod ng tax reform law.

Noong Lunes, nagkakaisang sinuportahan ng Senado ang pagkilos ni Sen. Bam para sa buo at agarang pagpapatupad ng RA 10931 sa ikaalwang semester ng school year 2017-18.

Matapos magbigay si Sen. Bam sponsorship speech para sa Senate Resolution No. 620 na kanyang inihain, agad itong sinuportahan ng mga kapwa senador.

Sa Senate Resolution No. 620, hinikayat ni Sen. Bam ang Senado na sama-samang magpahayag ng buong implementasyon ng libreng college law, kasunod ng anunsiyo ng CHED na ipatutupad ito sa June 2018.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Sen. Bam na nagkasundo ang kinatawan muna sa dalawang sangay ng Kongreso na ipatupad ito ng Nobyembre 2017 sa panahon ng bicameral conference committee para sa Republic Act 10931.

Iginiit din ni Sen. Bam na noong deliberasyon ng budget ng Republic Act 10931, inihayag ng CHED-UNIFAST sa mga miyembro ng Senado na sapat ang P41 billion budget allocation para isama ang tuition at iba pang bayarin sa SUCs sa simula ng ikalawang semester ng 2017-18.

Ang pangakong ito ay taliwas sa pahayag ni CHED officer-in-charge Popoy de Vera na plano ng ahensiya na ipatupad ang batas simula Hunyo 2018 para sa Academic Year 2018-19, dahil nasa proseso pa ang CHED ng pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR).

Naniniwala si Sen. Bam na dahil may bisa na ang RA 10931 at mayroon nang aprubadong budget para ito’y ipatupad, walang dahilan ang CHED na hindi iprayoridad ang agarang pagpapatupad nito. ERNIE REYES

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply