TUTOK SA MGA NABAKUNAHAN

PATULOY na tinututukan ng gobyerno ang mga naturukan ng Dengvaxia laban sa dengue upang agad silang matulungan sakali mang magkaroon ng negatibong reaksyon sa kanilang katawan sanhi ng kontrobersyal na bakuna.

Sa Mindanao nga lang, 400 residente na karamihan ay mga bata ang nabakunahan ng Dengvaxia na nagmula sa bansang France.
Ayon kay Health Assistant Secretary Abdullah Dumama, magmumungkahi ang gobyerno ng pagpapatupad ng ID system para sa nabakunahan ng Dengvaxia sa Mindanao na magsisimula sa Davao Region.

Ang mabibigyan ng ID ay magkakaroon ng prayoridad sa mga ospital na kanilang pupuntahan kapag nakaramdam sila ng sintomas na konektado sa dengue.

Ang problema ay nakapagsagawa na ang pamahalaan ng malawakang programa sa pagbabakuna sa mga bata sa Luzon, ilang bahagi ng Visayas at pati na sa Mindanao bago ito ipahinto noong Nobyembre matapos umamin ang Sanofi Pasteur na gumawa ng bakuna na maaari palang magkaroon ng mas malalang sintomas ng dengue ang mga naturukan nito na hindi pa tinatamaan ng naturang sakit.

Kung hindi pinabayaang makalusot ang bakuna ay hindi manganganib ang kaligtasan ng mga nabakunahan.

Ang nais ni Health Sec. Francisco Duque III ay makapagbigay ang Sanofi ng full refund dahil hindi raw nila naibigay ang proteksyon na dapat nilang naibigay sa naturukan.

Pero nagmatigas ang Sanofi at tinanggihan ito. Kapag sumunod daw sila sa kagustuhan ni Duque ay lalabas na walang bisa ang produkto nila na hindi raw totoo.

May pakinabang daw sa Dengvaxia dahil mas kakaunti na ang mga kaso ng dengue kaysa sa mga hindi naturukan nito.

Nakalimutan yata nila ang pag-amin na ginawa nila sa panganib na puwedeng idulot ng kanilang produkto.

At dahil kanya-kanya ang kanilang pamamaraan ng pagharap sa problema ng Dengvaxia ay patuloy ang bangayan nina Duque at ng Public Attorney’s Office sa ilalim ni Persida Acosta.

Ang punto ni Acosta ay dapat maging agresibo ang Health secretary sa pagsagip sa mga bata at hindi raw umaasa sa University of the Philippines na wala namang tissue sample at hindi pinagtitiwalaan ng mga kaanak para magsagawa ng awtopsiya sa nasawi.

Ayon kay Duque, ayaw makipag-cooperate ni Acosta at ibahagi ang findings ng kanyang grupo.

Pero ayon sa PAO chief ay nag-aalangan siyang makipagtulungan sa DOH dahil ang interes ng PAO ay iyong namatayan at hindi pansariling interes ng sinomang doktor o kompanya.

Ang dapat ninyong tukuyin ay kung Dengvaxia ang dahilan ng pagkasawi ng mga biktima, mapanagot ang lahat ng nagsabwatan dito at hindi makapag-refund lang.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply