30 tao nagpositibo sa HIV/AIDS

INIULAT ng Department of Health (DOH) na nasa 30 indibidwal ang kumpirmadong nasawi dahil sa HIV/AIDS noong Enero 2018, habang limang buntis naman at dalawang menor de edad pa, ang nakabilang naman sa mahigit 1,000 bagong biktima ng naturang nakahahawa at nakamamatay na sakit.

Sa inilabas na ulat ng HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines ng DOH-Epidemiology Bureau, nabatid na nakapagtala sila ng 1,021 bagong kaso ng HIV/AIDS noong Enero, 2018 lamang.

Higit na malaki ang naturang bilang ng 187 kaso, kumpara sa 834 lamang na naitala sa kahalintulad na petsa noong 2017.

Sa nasabing bagong kaso ng sakit, 96% o 976 kaso ang mga lalaki habang ang natitirang iba pa ay mga babae naman.

Pinakabatang biktima ng sakit ay isang tatlong taong gulang na paslit habang pinakamatanda naman ay 61-taong gulang.

Lima sa mga bagong biktima ay pawang buntis, na ang dalawa ay nakatira sa National Capital Region (NCR), habang ang tatlong iba pa ay nakatira naman sa Regions 3, 6 at 7.

Dalawa rin sa mga biktima ay nasa 15-taong gulang pababa ang edad, 292 ang nasa age group na 15-24; 539 ang nasa 25-34 age group; 168 ang nasa edad 35-49 habang 20 naman ang nagkaka-edad ng 50-taong gulang pataas.

Pumalo naman sa 30 pasyente ng sakit ang iniulat na nasawi dahil sa naturang sakit nito ring Enero.

Ang rehiyon na pinakamaraming naitalang bagong kaso ng sakit ay ang NCR (halos 1/3 o 32% o 327 kaso); 16% (168 kaso) ang mula sa Region 4A; 10% (105 kaso) ang mula sa Region 7; at 7% (69 kaso) ang mula naman sa Region 6.

Nananatili namang sexual contact ang predominant mode of transmission ng sakit na pumalo sa 97% (993 kaso), habang 87% (885 kaso) ng mga newly diagnosed infections sa mga lalaki, ay nahawa ng sakit dahil sa pakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Ang iba pang modes of transmission o dahilan nang pagkahawa ng sakit ay needle sharing sa pagitan ng mga drug users (2%, 18 kaso) at mother-to-child transmission (<1% o 2 kaso). Hindi naman tukoy kung paano nahawa ng sakit ang walong iba pang kaso. MACS BORJA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply