BANTA SA ATING KARAPATAN

NAUUNAWAAN natin na ni­lagdaan ni President Duterte ang Republic Act 10973 na nagbibigay ng subpoena po­wers sa pinuno ng Philippine National Police at sa director at deputy director for administration ng Criminal Investigation and Detection Group upang mapaigting ang kampanya laban sa kriminalidad.

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kapag naisyuhan ng subpoena ay hindi nangangahulugan ng agarang pagkakakulong bagaman puwedeng mag-file ng petisyon ang estado para sa indirect contempt laban sa naisyuhan nito. Ano pa ang ma­pagpipilian kung makakasuhan ang tao kapag hindi sumunod sa subpoena?

Ayon kay Cristina Antonio ng Center for International Law o CenterLaw, ang law firm na isa si Roque sa mga bumuo, ang bagong subpoena powers ay hayagan at bulgar na paglabag ng karapatan sa buhay at kalayaan, kara­patan sa walang katarungang paghahalughog at pangu­ngum­piska, karapatan ng aku­sadong inaresto at isinailalim sa custodial investigation sa ilalim ng Konstitusyon at mga batas. Inilarawan ni Antonio ang mga kapangyarihang ito na pa­wang iligal.

Nagpahayag si human rights lawyer Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers na kumakatawan sa mga biktima ng pang-aabuso sa drug war na ang kapangyarihang ito ay ligalisas­yon ng isang hakbang na hindi ka­yang isagawa ng pulis noon.

* * *

Dati-rati, ang mga pulis na nais maghalughog sa isang bahay ay kailangang mag-apply para sa search warrant sa korte, sagutin ang ilang katanungan ng hukom at ilarawan nang detalyado kung ano ang kanilang hinahanap.

Sa bagong batas, narag­dagan ang search powers ng pulis dahil nakasaad na ang subpoena ay kailangan lang maglaman ng mga bagay na hinahanap na mahalaga sa imbestigasyon. Mga pulis lamang ang makapagdedesisyon kung ano ang mahalaga o hindi rito.

At ilang tao ba ang magkaroon ng lakas ng loob na suwayin ang subpoena na nilag­daan mismo ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa? Kung may susuway man at makakasuhan, kakailanganin niyang gumastos, maabala at masira ang reputasyon kahit na manalo pa siya sa kaso.

Nais tukuyin ng Firing Line na puwede itong humantong sa warrantless arrest dahil ang opisyal ay pwedeng uma­resto ng isang indibidwal nang ligal kung may sapat na dahilan para paniwalaan itong nakagawa ng paglabag.

At higit na mahalaga, puwede rin umano nitong malabag ang constitutional rights ng mga tao na nasa custodial investigation at ang Bill of Rights na guma­garantiya sa seguridad ng tao at ng kanyang mga ari-arian laban sa hindi makatarungang paghahalughog at pangungumpiska.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply