DILG AT PCSO MAGTUTULUNGAN SA PAGSUGPO NG JUETENG

MAGSASANIB puwersa na ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ang Department of the Interior and Local Government – Barangay Affairs Office (DILG – BAO) upang mas lalong paigtingin ang kampanya hinggil sa jueteng at isulong ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa mga local government units (LGUs).

Ang STL ay inumpisahan noong administrasyon ni dating Pangulong Corazon C. Aquino noong taong 1987, ipinatigil ito at muling ipinatupad noong taong 2006 ayon na rin sa kautusan ni dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga representative Gloria Macapagal Arroyo upang maging alternatibong hanapbuhay ng mga “kubrador” na nawalan ng kita sa pinaigting na kampanya noon kontra illegal numbers game gaya ng jueteng, at upang mapondohan ang mga proyektong pangkawanggawa ng pamahalaan. Layunin ng STL na patayin ang jueteng sa pamamagitan ng isang katanggap-tanggap na legal na laro.

Sa pagtataya ng ilang eksperto, halos kalahati o higit pa ng kabuuang 42,036 barangay sa Pilipinas ay may operasyon o dinadaanan ng jueteng na kumikita ng Php 125 million kada araw o katumbas ng 3.75 billion kada buwan o Php 45 billion sa buong isang taon. Wala ni sentimo mula sa malaking kitang ito ang napupunta sa pamahalaan. Tanging mga gambling lords at protektor nila ang mga nakikinabang. Kaya malaking bagay ang pagkakaroon ng STL.

Pero may mga alegasyon na patuloy na ginagamit na kasangkapan ng mga gambling lords ang STL bilang pronta ng jueteng. Lumalabas kasi sa special investigation report na isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) noong taong 2015 na dinadaya ng mga STL operators ang PCSO ng halagang Php 50 billion kada taon dahil sa hindi tamang deklarasyon nito ng kani-kanilang sales report na basehan ng government share.

Kaya sa pagpasok ni general manager Alexander F. Balutan sa PCSO noong September 2016, katuwang ang board of directors ay agad nitong binuksan ang bidding for franchising ng mga STL operations sa buong bansa kung saan mahigit dalawang daan ang nagsumite. Mula sa dating labingwalong (18) ACCs (authorized agent corporation) ay nasa walumpu’t isa na ito ngayon. Limang ACCs naman ang kinansela dahil sa mga napatunayang paglabag sa implementing rules and regulations (IRR) ng STL.

Nagpapatuloy ang operasyon ng jueteng ay dahil sa pagsasawalang-kibo at pakikipagsabwatan ng mga opisyales ng LGU partikular ng mga nasa barangay. Kaya naman, papakasuhan ni DILG undersecretary Martin B. Diño ang mga punong barangay o (kagawad at iba pang opisyales ng barangay na may kinalaman, sangkot, protektado, o nagbubulag-bulagan hinggil sa ilegal na larong ito. Magandang tutukan ang mga barangay officials lalo pa’t papalapit na ang Barangay Elections ngayong 14 May 2018 kung saan tiyak na may kandidato na susuportahan o pinatakbo ng mga gambling lords upang manatili at magpatuloy ang kanilang ilegal na gawain at negosyo.

Mabigat po ang parusang naghihintay sang-ayon sa Republic Act No. 9287, pagkakulong mula 12 hanggang 20 taon, multang mula Php 3 million hanggang Php 5 million at panghabambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang tanggapang pampamahalaam.

Balak din kapwa ng PCSO at DILG na magbuo ng isang joint task force na tutugis sa mga tiwaling opisyales na ito ng pamahaaan. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply