‘Home along the river’ uunahing i-relocate

IPAPRAYORIDAD ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang relokasyon ng mahigit 4,000 informal settler families (ISFs) na nakatira sa mga danger zones tulad ng ilog.

Ani Belmonte, lagi silang nasa peligro kaya nararapat lang na mailipat sila sa mas ligtas na lugar.

Hindi lamang umano sila sa baha delikado kundi maging sa sunog.

Ayon sa lokal na pamahalaan, aabot sa 4,228 ISFs na nakatira sa mga waterway at mga road-right-of-way ang uunahing ma-relocate.

Sa bilang na ito, 2,235 families ang nakatira sa mga tabing ilog at sapa tulad Calamiong Creek sa Barangay Bagong Silangan na madalas umaapaw kapag malakas ang ulan.

Ilan pa sa mga danger zones na maraming nakatirang ISF ay ang San Juan River sa Barangay Damayang Lagi, Timex sa Barangay Santa Cruz, Nissan sa Barangay Tatalon, Lagarian Creek sa Barangay Obrero, Ermitanyo Creek sa Barangay Mariana, Abra Creek sa Barangay Ramon Magsaysay, Road 5 Creek sa Proj. 6, Araneta Creek sa Barangay Masambong, creekside sa Barangay E. Rodriguez, Dario Creek sa Barangay Bahay-Toro, Diliman Creek sa Barangay Roxas at SSS Tullahan Creek sa Barangay North Fairview.

Nitong Enero ay nakiisa si Belmonte sa tatlong araw na workshop na naglalayong maipasa ang bagong Quezon City Housing Code. Ito ay naglalayong mabigyan ng maayos at mas murang pabahay ang mga ISFs.

Ayon sa Metro Manila Inter-Agency Committee on Informal Settlers (MMIAC), aabot sa 544,609 pamilya ang maituturing na informal settlers sa Metro Manila.

Ayon pa sa MMIAC, kailangan ng pamahalaan ng P3.2 bilyon kada taon sa loob ng 10 taon para mabigyan ng maayos na pabahay ang mga informal settlers. NENET L. VILLAFANIA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply