ICC NAYANIG SA PAGKALAS NG PINAS

NANANAWAGAN ang legislative arm o batasan ng International Criminal Court sa Pilipinas na makipag-usap at huwag itong kumalas sa ICC.

Sinasabi ni O-Gon-Kwon, pangulo ng ICC, na kung may reklamo man ang isang bansang kasapi ng organisasyong ito, ilabas ito sa assembliya ng organisasyon.
Manghihina umano ang ICC sa pakikipaglaban sa impunity o walang habas na paggawa ng iba’t ibang krimen kung kakalas ang mga kasapi rito.

BIG JOKE

Para sa atin, big joke ang pinagsasasabi ng ICC na ito.

Big joke dahil tameme ito sa mga digmaang inilulunsad ng mga malalakas, malalaki at matatapang na bansa na pumapatay ng daan-daang libo o milyon nang walang habas, kahit sa mga sibilyan.

Bulag, bingi, pilay at bungal ang ICC, halimbawa, sa mga inilulunsad na giyera ng Amerika at mga kaalyado nitong Britain at Europeong bansa sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa Iraq lang na inimbentuhan ng Amerika si Saddam Hussein ng kasalanang may weapon of mass destruction umano, 500,000 ang namatay sa pag-atake ng Amerika.

Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang giyera ng mga Amerikano sa mga Arabong bansa, kasama ang Syria, Palestine, Libya, Yemen at iba pa, na kung susumahin ang bilang ng mga napapatay ay aabot na sa milyong katao.

Isama mo pa ang nagaganap sa Pakistan at Afghanistan at maging sa Pinas, lalo na sa Mindanao.

Nagre-react naman ang Russia kontra sa mga Kano sa ilang lugar.

Aksyon ng ICC? Zero.

HINDI KASAPI

Kung pakikinggan ang mga oposisyong politiko sa mahal kong Pinas, pinalalabas na maling-mali ang pagkalas ng Pinas sa ICC at tumatalikod ito sa organisasyon ng mundo na nagsusulong ng mga programa laban sa kriminal na pamamahala.

Self-serving o iwas-pusoy lang umano sa imbestigasyon at paglilitis ng ICC si Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang administrasyon kaugnay ng patayan sa droga sa Pinas.

‘Yun pala, ayaw sumapi rito ang mga napakalalaking bansa gaya mismo ng Amerika, Russia at Tsina, kasama ang India, Indonesia, Pakistan, South Africa, Israel,

Malaysia, Thailand, Iraq, Qatar, Yemen, Iran, Ukraine, Turkey at nasa 70 pang bansa.

Halos lahat din ng bansang African ay ayaw sumali sa ICC.

Ngayon, mali ang aksyon ni Pang. Digong na kumalas sa ICC?

IPOKRITO ANG ICC

Reklamo ng mga Aprikano, ipokrito ang ICC.

Kasi matapang lang umano sa mga Aprikano na pawang mga maliliit at mahihinang bansa.

Pero kun g saan-saan na lang nananalasa mula sa Gitnang Silangan hanggang sa Africa at Asia.

Binira rin ng mga ito ang Britain na madugo ang pakikitungo sa Afghanistan at Iraq at kasama lagi ng mga Kano sa iba pang digmaan.

Isa pa, akalain ba ng mga Aprikano at iba pa na pupwedeng mag-endorso ng kaso, halimbawa, ang Amerika, eh, hindi naman pala kasapi ng ICC?

Sa gitna ng labanan ng mga interes ng malalaki at makapangyarihang bansa laban sa mga maliliit at mahihina, nasa panig lagi ng mga malalaki at makapangyarihan ang ICC, reklamo ng mga Aprikano.

At ngayon, ito rin ang binabanggit ng ating Pangulo na tama lang.

NAIS BUMALIK

Kung titingan naman ang Pinas, ang mga may reklamo sa ICC ay pawang mga nagnanais na maibalik ang dating gawi na tanging ang ganid na iilang mayayaman at makapangyarihan ang mamahala sa mahal kong Pinas.

Sila ang mga pangunahing sangkot sa mga iskam sa MRT-3, dengvaxia, Priority Development Assistance Fund, Disbursement Acceleration Program, nakabibili ang mga droga kahit saan at kahit kailan, pabaya sa droga na ikinamatay ng libo-libo at ikinabuwang ng milyong Pinoy bago dumating si Pang. Digong, inutil sa napakamahal ngunit napakabagal na internet, pabaya sa mga tanim-laglag bala at nakawan sa mga airport, pabaya sa mga overseas Filipino worker, may-ari ng mga asyenda at minahan, monopolista sa langis, tubig at iba pa, hari-hari sa media at marami pang iba, isponsor ng kontraktuwalisasyon, ninong ng pribatisasyon ng langis, kuryente, edukasyon at ospital at marami pang iba na pawang mga salot sa lipunan.

Ngayon ay lumalabas na ang mga ito ang kinakampihan ng ICC, maging ng pinuno ng United Nations Commission on Human Rights na si Zeid Ra’ad Al-Hussein at Human Rights Rapporteur na si Agnes Callamard.

ISINUSUKA

Kung panonoorin ang programa ni Kabayan Noli de Castro na gumawa ng survey kung totoong walang kinalaman o walang pananagutan si dating Pangulong

Aquino sa Dengvaxia, 4-6% lang ang sumang-ayon kay Aquino samantalang kontra ang 96-94% sa kanya.

Ito ngayon ang larawan ng mga oposisyon na nagsasampa ng kaso laban kay Pang. Digong at kanyang administrasyon.

Isinusuka ng taumbayan ang grupong walang ginawa kundi siraan ang pamahalaang Duterte sa labas ng bansa at sila pa ang kinakampihan ng ICC?

O paano ngayon?  ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

 

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply