K-12 GRADUATES, SAAN PATUNGO?

SAAN kaya patutungo ang mahigit 1.2 milyon K-12 graduates o senior high school sa taong ito?

Tutuloy ba sila sa 4-5 taong kursong kolehiyo o magtrabaho na lang?

Kung tutuloy sila sa kolehiyo, wala silang problema, lalo na ang mga full time na estudyante.

Kung magtatrabaho, dapat na tiisin nila ang mga problema bago makahinga-hinga nang maluwag.

4 SA 5KOMPANYA AYAW SA K-12 GRADS 

Batay sa pag-aaral ng Philippine Business for Education (PBEd), hindi pa handa ang apat sa limang kompanya na tumanggap sa mga K-12 graduate.

Hindi pa binabakbak ng higit na nakararaming kompanya ang kwalipikasyon na dapat gradwado sa kolehiyo ang magiging mga manggagawa nila.

Para naman sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), malaki ang paniniwalang hindi pa handa ang mga K-12 grad na magtrabaho, lalo’t 80 oras lang ang inilalaan ng Department of Education na on-the-job training ng mga ito.

Ito’y kahit idiniriin ng DepEd na okey ang nasabing oras ng OJT batay sa pakikipagtalastasan nito sa Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority.

Hindi umano pupwedeng sobrahan ang oras ng OJT dahil mayroon din umanong ibang subject na ipasa ng mga estudyante.

MAY PAG-ASA

Pero may pag-asa ang mga K-12 grad na makapasok sa trabaho.

Payo ng PCCI,  dapat na magkaroon ang mga ito ng mga kaalaman at kasanayan para sa 21st century skills gaya ng “innovation at critical thinking.”

Kung papaano tapatan ng mga K-12 grad ang kakayahan sa “innovation at critical thinking” na taglay ng mga makakalaban nilang college grads sa pag-aaplay sa trabaho, ay maaaring malaking problema.

Paano nga kung makasabay ng K-12 graduate na mag-aplay sa trabaho ang 4-year graduate sa computer science at 5-year graduate sa engineering?

Sakit sa ulo?

PARA SA K-12 LANG

Sa kabilang banda, may pag-asa naman para sa mga K-12 graduate.

Sinasabi kasi ng DepEd na sinadya ang mga K-12 grad na sila ang pupuno sa mga mismatch sa empleyo ng 4-5 years college grads sa mga pangangailagan ng mga kompanya.

Halimbawa na lang ang sektor sa serbisyo, 93 porsyento umanong trabaho ang binabagayan ng mga K-12 grads.

Kabilang sa mga trabaho sa service sector ang business process outsourcing, human resource management at hospitality tourism.

Isa pa, may mga kompanya sa Metro Manila, nasa 50, ang magdaraos umano ng job fair para sa umano sa mga K-12 grads.

Congrats sa mga K-12 grad na mapasok sa job fair na ito.

Kung paraan ito na kahit papaano ay makatulong sa kanilang mga pamilya para makaraos sa kahirapan, okey na okey.

At kung pundasyon naman nila ito para maging working students sa pagkuha ng 4-5 taong kurso sa kolehiyo, lalong maigi.

Dahil nangangahulugan ito ng kinabukasan ng bansa na higit na marami ang edukado kaysa mas mababa ang pinag-aralan.

BUILD, BUILD, BUILD

Maaari ring mapasok ang mga K-12 grads sa programa ni Pangulong Rodrigo Duterte na Build, Build, Build.

Sa paunang mga proyekto sa programang ito, kinakailangan ang nasa 100,000 para sa konstruksyon at nangangahulugan na kailangan ang mga welder, steelman, mason, electrician, driver, mekaniko at iba pa.

Ang totoo, aabot umano sa 500,000 ang panimulang bilang ng mga obrero pero sa kalaunan ay milyon ang kailangan.

Marami sa mga K-12 grads ang sinubukang sanayin para sa mga trabaho sa Build, Build, Build.

Makasasabay nga lang ng mga ito na mag-aplay ang mga skilled worker na galing sa ibang bansa na hinihikayat ng pamahalaan na magsibalik sa mahal kong Pinas upang dito nila mailapat ang kanilang mga kaalaman, kakayahan at karanasan sa pagtatrabaho sa abroad.

SAHOD AT BENEPISYO

Karaniwang pantay-pantay ang trato ng mga kompanya sa mga bagong pasok nilang trabahante.

Subalit paglipas ng panahon, lilitaw at lilitaw ang pagkakaiba ng mga nakatapos ng kolehiyo sa mga hanggang K-12 ang inabot.

At karaniwan ding napag-iiwanan ang mga may mas mababa na naabot na edukasyon ng mga mas mataas ang pinag-aralan.

Dito na nagkakaroon ng mga pagkakaiba rin ng mga sahod, benepisyo at bagong mga pagkakataon.

Bibihira ang mga kompanya ang tiyak na mag-aangat nang higit sa mga mas mababa ang pinag-aralan.

Ang maaaring makatitimpla lang sa magiging pagkakaiba sa oportunidad ng mga K-12 grads at college grads ay mga batas para sa pagkakapantay-pantay at laban sa diskriminasyon.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply