KASAMA SA LISTAHAN HINDI SA BIGAYAN

NAGSIMULA nang ipamigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepis­yaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang karagdagang P200 ayuda kada buwan para sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Layunin ng nasabing hakbang na mabigyan ng tulong ang mga mahihirap na maaapektuhan ng pagtaas ng mga bilihin at serbisyo dahil sa ipinatutupad ng pama­halaan na Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Hindi biro ang perang inilabas ng pamahalaan para sa programa sapagkat umabot ito sa P4.3-B na ipapamahagi sa 1.8 milyon benepisyaryo na may hawak ng mga cash card galing sa Land Bank of the Philippines (LPB).

Para sa 2018 ang bawat isang recipient ay tatanggap ng P200 kada buwan maliban pa sa dati na nilang tinatanggap P2,200 kada buwan sa ilalim ng 4Ps.

Pagdating ng mga taong 2019 at 2020 ay tataas pa ang subsidy sa P300 kada buwan.

Kung iisipin ay maganda ang layunin ng programa na ginagastusan ng bilyon-bilyong piso ng gobyerno.

Ang tanong nga lang ay nakakarating ba naman sa totoong mga nangangailangan ang buong halagang iyan o mayroong mga kumikita dito?

Ang mas masakit pa nito ay kung may mga tiwaling opisyal ng gobyerno na sumisistema at siyang nagbubulsa ng perang dapat sana ay sa mahihirap na mamamayan.

Lumitaw ang mga katanungang ito matapos uma­ngal ang maraming mga mahihirap kasama na ang mga senior citizen mula sa Mimaropa area.

Anila, kinapanayam sila nang mga nagpapakilalang taga DSWD kasama ang ilang mga kagawad ng kanilang mga barangay noon pang Nobyembre ng nakaraang taon para maisama umano sa programa.

Pero namuti na ang mata nila sa kahihintay ay wala naman silang natanggap na benepisyo mula sa ahensiya o ‘dili kaya ay sa local government units nila hanggang ngayon.

Kinuha ang kanilang mga pangalan at detalye suba­lit ng dumating aniya ang araw na mabibigyan sila ng tulong at ayuda ay wala namang dumating.

Natural na sumama ang loob ng mga biktima na karamihan ay matatanda na dahil umasa sila na may matatanggap silang tulong mula sa pamahalaan lalo na noong panahon ng kapaskuhan.

Kaya naman nananawagan tayo kay Pangulong Digong na pakitingnan ang reklamong ito ng mga matatanda at mahihirap nating kababayan sa malala­yo­ng lalawigan.

Mukhang napaikot kasi sila nang ilang mga maga­galing diyan sa DSWD na matapos silang isama sa listahan ay hindi naman isinama sa bigayan.

Pakibigwasan nga po, Pangulong Digong, ang mga raketerong ito! OPEN LINE/ BOBBY RICOHERMOSO

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply