LABAN-BAWI SA HALALANG BSK AT ANG DROGA

TAPOS na sa 3rd reading sa Kamara ang panukala para mapospon ang halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election o BSKE.

Pero habang sinusulat ito, wala pang aksyon ang Senado at lumalabas na hindi interesado ang maraming senador na mapospon ang halalan.

Kaya naman sinasabi ng Commission on Elections na dapat maghanda na ang mga kandidato sa pag-file ng kanilang kandidatura sa Abril 14-Abril 20, 2018.

7K-9K BARANGAY MAY DROGA

Para sa Department of Interior and Local Government, mas magandang matuloy ang BSKE.

Mismong si DILG Officer-in-Charge Eduardo Año ang nagsabing mahalaga ang halalan para mapalitan na ang mga kapitan at iba pang opisyal ng barangay, kasama ang mga nasa SK, na sangkot sa droga.

Nangangahulugang naniniwala si OIC Año na sapat na ang leksyon sa nakaraang dalawang taon na giyera sa droga na gabay ng mga mamamayan sa pagpili ng kanilang mga magiging opisyal ng barangay at kabataan.

Ayon sa DILG, may 7,000 sa 42,000 barangay ang apektado ng droga habang nasa 9,000 ang tingin naman ng iba.

Pero maaaring higit pa rito dahil maraming opisyal sa barangay at SK ang hindi talaga nagsasabi ng totoo rito, lalo na kung kamag-anak, kumpare, kaibigan at botante na kabig nila, lalo na, ang mga sangkot.

P6B MASASAYANG

Sinasabi ng Commission on Elections na nasa P6 bilyon ang nakalaang badyet para sa SKE.

At napakalaki na ang nagagastos nito sa preparasyon na masasayang lang kung mapospon ang halalan.

Halos tapos na ang printing ng mga listahan ng may 55 milyong botante at nakabili na rin ang Comelec ng mga indelible ink kaya milyon-milyon nang salaping bayan ang gastos para rito.

Kaya naman, pabor ang Comelec na matuloy ang halalan at naglabas na nga ito ng iskedyul para sa filing ng candidacy, kasama ang petsa ng halalan na Mayo 14, 2018.

SA OKTUBRE NA LANG

Ayon sa mga kongresman, sa Oktubre na lang gaganapin ang halalan at isasabay rito ang isang plebesito kung gusto o hindi ng mamamayan ang sistemang Pederal na gobyerno ng mahal kong Pinas.

Inaasahan kasi ng mga kongresman na mabubuo at maaaprubahan nila ang panukala para sa Pederal na sistema bago mag-Oktubre at maaaring makabasabay rito ang mga senador.

Sakaling mabuo nga ang panukala sa tamang panahon bago mag-Oktubre, okey na rin sa atin lalo na kung iisipin na napakabilis na lumipas ang mga araw.

Karaniwang hindi natin namamalayan na lumilipas ang mga araw, buwan at taon hanggang sa dumating ang isang mahalagang araw, gaya ng halalang Oktubre, sakaling mapospon nga ito.

Pero ang pinakamahalaga, kung magiging paborable nga sa buong bayan ang Pederalismo kumpara sa kasalukuyang sistema na iilang tao lang ang namamayani at namumunini sa kapangyarihan sa pamahalaan at yaman ng bansa, okey na talaga.

Tanggapin na nating magkaroon tayo ng nasayang na salapi ngunit kapalit naman nito ang buong yaman ng bansa na maaaring mapakinabangan ng higit na nakararami sa ilalim ng Pederalismo kaysa iilan lamang, kasama ang iilan ding dayuhang ka-partner ng mga ito, sa kasalukuyang panahon.

NOON AT NGAYON

Gusto man natin o hindi, napakahalaga ang mga lokal na pamahalaan, lalo na ang mga nasa barangay.

Sila kasi ang pinakamabilis na tumugon sa kahit anong pangangailangan ng mga mamamayan.

Pero ang isang sangkap dito ay kung makasasabay ang mga ito sa mga pambansang programa gaya ng peace and order na ang giyera sa droga ang isa sa mga pinakamalaking usapin.

Sa ibang salita, mga Bro, kung may 3M-4 milyong sangkot sa droga, makasasabay ba ang mga bagong halal na barangay at SK officials sa pagsugpo at pagkontrol sa mga sangkot sa droga?

Ito ang isang dapat na pagtuunan ng pansin.

Sagad sa buto ang kasamaan sa droga at halimbawa rito ang pag-chop-chop ng isang adik sa kanyang misis sa Quezon City at ng isang pusher sa isang matanda sa Roxas City nitong nagdaang mga araw lamang.

Eh, kung may 3M-4 milyong nasa droga, paano kung magkaganito ang bilang na ‘yan?

PANALO, TALO

Kung hindi magkaroon ng halalan, mananatili sa pwesto ang nasa 7,000-9,000 kapitan at 7,000-9,000 ring SK na apektado ng droga.

‘Yun bang === maaaring direktang sangkot ang mga kapitan sa mga gawain ng mga druglord, tulak at adik.

Kung hindi naman, mananatili ang mga ito na pabaya sa paglaganap ng droga.

Aba’y piyesta sa mga ito ang lahat ng buwan bago mag-Oktubre 2018.

Ang problema naman kung may halalan sa Mayor 14, paano kung manalo pa rin ang mga sangkot sa droga o mga sugo nila?

Pati Pederalismo ay maaapektuhan dito. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply