MAGSANAY, MAGKAISA LABAN SA SUNOG

TATLONG sunog ang halos magkakasabay na naganap sa Manila at Cavite kamakalawa.

Sa Manila Pavilion Hotel, apat ang namatay samantalang nakaligtas naman ang lahat ng mga apektado sa sunog sa parteng Paco, Manila at pabrika at 20 kabahayan sa Cavite.

Kasabay ng mga sunog ang pagbababala naman ng Department of Health sa banta sa buhay at kalusugan ng sobrang init ng panahon.

LIGTAS AT ‘DI LIGTAS

Wala talagang nakatitiyak kung ligtas o hindi sa sunog ang isang gusali, bahay man, pabrika, condominium, mall o simbahan kaya.

Halimbawa, ipinalalagay na ligtas ang katulad ng Manila Pavilion Hotel at banana chips factory sa Cavite dahil tiyak na dumaraan sa fire inspeksyon ang mga ito.

Bagama’t may pagdududa, normal na dumaraan sa fire inspection din ang lahat ng mga kabahayang nabibigyan ng municipal o mayor’s permit.

Tanging ang mga kabahayan ng mga informal settler ang karaniwang natatagpuan walang maayos na kalagayan para sa kaligtasan sa sunog.

Subalit nagaganap pa rin ang sunog kahit sa anong istruktura o gusali.

ADIK AT INSURANCE

Dati-rati, noong wala pang giyera sa droga si Pangulong Rodrigo Duterte, may mga sunog na gawa ng mga adik o tulak ng droga.

Trip lang nila ang magsunog sa sarili nilang bahay at nadadamay ang iba.

Bulung-bulungan din na may mga gusaling sadyang sinusunog para makakobra ng insurance ang isang kompanyang nalulugi.

At para matiyak na walang usok o iskam dito, katakot-takot na suhulan sa mga imbestigador sa sunog ang ginagawa ng mga “biktima” ng sunog.

Kung nagaganap ito ngayon, tanging ang mga may interes at korap lang ang nakaaalam.

NAKATATAKOT

May mga namamatay sa mga nasusunog na mababang istruktura gaya ng mga ordinaryong kabahayan at lugar ng mga informal settler.

Ngunit karaniwang nakatatakas ang mga mamamayang biktima rito at ang mga bata, matatanda at maysakit ang nahuhuli ng mga apoy.

Ang higit na nakatatakot ay ang mga nasa mall at matataas na istruktura.

Ang mga mall ay karaniwang sarado kahit saan at ang usok at apoy ay matindi sa loob ng mga ito.

Ang mga napakatataas na gusali naman ay talaga namang panindigan ka ng balahibo kung paano ka maliligtas.

Kasi naman, ang Makati City Fire Department lang yata ang may fire truck na kayang umabot ng 18th floor.

Napakarami na ngayon ang mga gusaling may taas na mahigit sa 18th floor hanggang 71th floor gaya ng Gramercy Residences sa Makati.

Ang Manila Pavilion Hotel mismo ay may 21 floor at hindi na kayang abutin ng Makati Fire Truck

Paano mo isiping maliligtas ka sa sunog sa ganitong kalagayan?

SPRINKLER

Dahil sa taas ng mga building, obligado ngayon ang mga gusali na magkaroon ng mga sprinkler ng tubig na kahit sa usok lang na maamoy nito ay magbubuga ng tubig.

Galing ang mga tubig sa mga mukhang swimming pool kada ika-10 floor ng gusali, depende sa fire safety na gusto ng batas at may-ari ng gusali.

Kahit ang mga mall na hindi gaanong mataas ay may mga sprinkler din.

May problema nga lang kung nawalan ng kuryente ang gusaling nasusunog.

Walang gaganang kuryente para umandar ang mga sprinkler ngunit may nagsasabi namang may mga mekanikal na paraan para magbuga ng tubig ang mga ito.

PAGSASANAY AT FIRE EXIT

Sa mga mauunlad na bansa, gumagamit ang mga awtoridad o organisayong pang-emergency ng mga helicopter para iligtas ang mga biktima ng sunog sa mga matataas na gusali.

Pero sa mahal kong Pinas?

Anak ng tokwa, mag-isip na kayo ng gusto ninyong isipin.

Pero ang mahalaga ay ang pagkakaroon dapat ng mga palagiang pagsasanay laban sa sunog at pagtakas dito.

Pinakamahalaga na magkaroon ng pagsasanay ang mga miyembro ng management at security at mga permanenteng nakatira sa mga gusaling ito.

Ang mga fire exit ay dapat na madaling makita, mabuksan at magamit sa pagtakas sa usok at apoy.

Alalahaning maaari talagang hindi gumana ang mga sprinkler gaya ng naganap sa Manila Pavilion Hotel at walang helicopter na sumaklolo.

Sa grabeng trapik, gaya ng nangyayari, matagal bago dumating ang mga bumbero.

Kaya dapat lang na matuto ang lahat na lumaban sa apoy, umiwas dito at tumulong sa mga naiipit sa sunog.

Ang mga magnanakaw na sumasali sa mga nasusunugan ay dapat na matokhang para maging leksyon sa iba.

At ang mga korap ang inspeksyon at paggawa ng mga sistemang pangkaligtasan sa sunog ay dpat ding sunugin nang buhay. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply